MANILA, Philippines — Lagpas kalahati na sa mga tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Philippine General Hospital (PGH) na ang umiigi ang lagay, pagbabahagi ng kanilang tagapagsalita na si Jonas del Rosario, Miyerkules.
Sa panayam ng dzBB, sinabi ni Del Rosario na 66% na ng kabuuang bilang ng mga na-confine sa PGH dahil sa virus ang gumagaling.
Sa 185 na COVID-19 patients na na-admit doon simula ika-3 ng Pebrero, sinasabing 123 na ang tuluyang nag-recover.
"Nakakatugon po kami rito sa PGH. Simula po noong February 3, 123 na ang na-discharge dahil naka-recover, tapos 33 naman po ang namatay o mga 15% to 16%," ani Del Rosario.
Nasa 33 naman daw ang minalas na bawian ng buhay, habang naka-admit pa rin sa ospital ang nalalabing 29.
Karamihan sa mga nadali ng virus sa PGH ay "advanced stage" na raw: "Meron rin pong mga mild cases, pero mas marami po talaga iyong moderate to severe to critically ill," saad pa ni Del Rosario.
Huling bahagi ng Marso nang matapos ang "retrofitting" ng dalawang wards ng PGH, na ginamit bilang referral center para sa COVID-19.
Inilabas ng PGH ang nasabing pahayag sa pagpasok ng ika-pitong araw na mas marami ang gumaling sas COVID-19 kaysa namatay sa Pilipinas.
Kasalukuyang nasa 6,710 na ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula nang mapasok ito ng virus. Sa bilang na 'yan, 446 na ang namamatay.
Sa kabila ng pagtaas ng recoveries at pagbagal ng pagdami ng mga kaso, tinatawag pa ring "worrisome" o nakababahala ng World Health Organization ang pagkakahawa ng mga Pilipinong manggagawang pangkalusugan sa sakit.
Ayon kay Abdi Mahamud, WHO incident manager ng COVID-19 sa Western Pacific region, nasa 13% ng COVID-19 sa bansa ay nanggaling mula sa sektor ng health workers. — James Relativo
Related video: