Gumaling sa COVID-19 sa bansa 1 linggo nang mas marami sa patay
MANILA, Philippines (Update 1, 5:44 p.m.) — Tila tuloy-tuloy na ang paglamang ng coronavirus disease (COVID-19) recoveries sa Pilipinas kumpara sa mga namamatay sa virus sa pagpasok nito sa ika-pitong sunod na araw, ayon sa Department of Health, Miyerkules.
Sa anunsyo ng DOH, lumalabas na 693 na ang kumpirmadong gumagaling sa virus sa bansa, malayo sa 446 na nasawi dahil sa pathogen.
'Yan ay matapos madagdagan ng 39 ang mga gumagaling sa sakit habang siyam naman naisali sa mga binabawian ng buhay bunsod nito.
Ika-15 ng Abril nang unang maitala ng gobyerno na mas marami na ang recoveries sa domestic death toll ng nakamamatay na sakit.
Sa kabila niyan, walang humpay pa rin ang pagsirit ng COVID-19 cases sa Pilipinas matapos itong tumuntong sa 6,710.
Kahapon lang nang sabihin ng Health Undersecretary Maria Rosiario Vergeire na bumabagal na ang pagdami ng infections sa bansa kumpara noong mga nagdaang linggo.
"Ibig sabihin nito, kung dati-rati, sa loob ng tatlong araw dumodoble ang mga kaso, ngayon mas matagal na ito. Halos limang araw na ang average," ani Vergeire.
"Ito ay malaking improvement, pero siyempre mas gusto natin ay mahigit sa 30 araw ang ating doubling time."
Kasalukuyang nasa 2,397,216 na ang tiyak na tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig habang 162,956 na ang namamatay dito sa kasaysayan, ayon sa ulat ng World Health Organization.
Pabuya sa makakagawa ng COVID-19 vaccine
Ikinatuwa ngunit maingat naman ng DOH ang inanunsyong P10 milyong pabuya na ibibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang Pilipino na makakadiskubre ng bakuna para sa COVID-19.
"Ito ay good news para sa ating scientific community. Pero mahalaga ring malaman ng lahat na hindi ito basta-bastang matutuklasan," sabi ni Vergeire kanina.
Aniya, daraan pa kasi sa masalimuot na pananaliksik ang anumang gamot bago pagulungin sa merkado.
"Mabusisi ang proseso ng pagtutuklas ng lunas sa isang sakit dahil ayaw nating bigyan ng gamot na makasasama sa isang pasyente," banggit pa ng DOH official.
Una na niyang sinabi na maaaring umabot ng anim na buwan hanggang isa't kalahating taon bago matapos ang dine-develop na bakuna.
Noong Pebrero, matatandaang sinabi ng WHO na mahigit 20 bakuna na ang dinedevelop laban sa COVID-19 sa buong mundo.
Matatandaang vinolunteer din ni Duterte ang Pilipinas upang lumahok sa clinical trials ng Japanese-made drug na Avigan, na tinitignan ngayong posibleng gamot laban sa virus.
Related video:
- Latest