COVID-19 cases sa bansa 6,599 na sa pag-abot ng worldwide cases sa 2.3-M
MANILA, Philippines (Updated, 5:30 p.m.)— Tuloy-tuloy pa rin ang arawang pagtaas ng bilang ng nahahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas sa pagpapatuloy ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health, Martes.
Sa tala ng DOH, umabot na sa 6,599 ang kabuuang bilang ng confirmed cases sa bansa, sa pagkakadagdag ng 140 pang panibagong infections.
Samantala, nakapagtala naman ng karagdagang 41 recoveries sa Pilipinas, dahilan para umabot na sa 654 ang gumagaling sa virus.
Mas kaonti naman ang mga namamatay sanhi ng sakit sa bilang na 437 matapos madagdagan ng siyam.
Ito na ang ika-anim na sunod na araw na mas marami ang gumaling sa COVID-19 kaysa sa namatay sa bansa, simula nang nakapasok ang sakit sa Pilipinas noong Enero.
Kasalukuyan namang nasa 2,314,621 ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa ulat ng World Health Organization. Nananatili naman sa 157,847 ang tiyak na namatay sa virus.
Mas mabagal na pagdami
Samantala, ikinatuwa naman ng DOH ang mas mabagal na pagdami ng mga COVID-19 cases sa Pilipinas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosiario Vergeire, bumaba na ang "doubling time" ng virus sa bansa.
"Ibig sabihin nito, kung dati-rati, sa loob ng tatlong araw dumodoble ang mga kaso, ngayon mas matagal na ito. halos limang araw na ang average," ani Vergeire, Martes.
"Ito ay malaking improvement, pero siyempre mas gusto natin ay mahigit sa 30 araw ang ating doubling time."
Para makamit 'yan, kinakailangan daw na nasa 12,000 pa lang ang COVID-19 cases sa bansa pagsapit ng ika-20 ng Mayo.
Nananatiling nakakonsentra ang mga infections sa National Capital Region, sabi pa ng DOH.
Bagama't nakakalusot ang sakit sa iba pang mga probinsya, may mga probinsya pa rin naman daw na wala pa ring COVID-19 o 'di kaya'y may mabagal na pagkalat ng sakit.
"Mga 30 probinsya ito na kinakailangang patuloy na maging maingat para tuloy-tuloy lang ang good news sa kanila," banggit pa ni Vergeire.
Sa kabila niyan, nagbabala naman ang DOH na sana'y huwag makampante ang taumbayan sa kabila ng mga good news na 'yan.
Aniya, kayang kaya raw kasi ng virus na manumbalik oras na mapabayaan ang physical distancing, paghuhugas ng kamay, pag-ubo nang tama at paglilins ng mga surfaces na palagiang hinahawakan.
- Latest