Shell naglabas ng scammer alert
MANILA, Philippines — Nagbabala sa publiko ang Pilipinas Shell laban sa mga indibiduwal at organisasyon na gumagamit sa pangalan ng kumpanya sa pagre-recruit ng mga aplikante na pagkaraan ay hinihingan nila ng umano’y placement fee at para sa pagbili diumano ng personal protective equipment (PPE).
Nakarating sa Shell na may mga tiwaling tao at organisasyon na nagkukunwaring HR personnel ng kumpanya at nagpo-post ng mga pekeng job advertisements online. Pinagsusumite nila ang mga aplikante ng resume sa [email protected], isang pekeng email address na hindi opisyal na email account ng Shell o ng kanilang partner organizations.
Sa sandaling magsumite ng resume ang aplikante, hihingan sila ng scammer ng pera para sa umano’y cash bond at pagbili ng PPE, at sinasabing ibabalik din ang pera sa sandaling matanggap siya sa trabaho.
Subalit sa sandaling nakapagbayad na ang aplikante, maglalaho na lamang ang scammers na parang bula.
Sa isang statement, nilinaw ng Shell na hindi sila konektado sa mga indibidwal at organisasyon na ito. Ang proseso ng pag-recruit ng mga empleyado ay ginagawa lamang ng kumpanya sa kanilang official channels na walang hinihinging placement fees.
- Latest