MANILA, Philippines — Ipinahayag kahapon ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang “calibrated” na pagbubukas muli ng mga shopping malls ay maaaring maging bahagi ng partial easing ng lockdown kaugnay ng krisis sa coronavirus disease 2019.
Ipinaliwanag ni Pernia na kailangang maging maingat ang Pilipinas sa pagtatanggal ng lockdown para maiwasan ang panibagong agos ng mga infection.
Maaari rin anyang maipagpatuloy muli ang mga pagpapagawa ng mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng ‘Build, Build, Build program’ ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Parang calibrated opening siguro of malls and other areas where we can still have the necessary safeguards against contracting the disease,” sabi pa ni Pernia.
Ipinatigil ang mga operasyon ng mga shopping malls mula nang simulan ang lockdown maliban sa mga groceries at botika. Ang mga tao ay inabisuhang manatili sa kanilang mga bahay.
Nagsimula ang enhanced community quarantine o ECQ noong Marso 17 at pinalawig hanggang Abril 30.
Sinabi pa ni Pernia na dapat simulan nang paghandaan ng mga Pilipino ang bagong normal pagkatapos ng lockdown.