8.5-M sa Pilipinas pwedeng magka-COVID-19 pagsapit nang Oktubre — gov't think tank

Kuha ng SARS-CoV-2 (dilaw), ang virus na nagdudulot ng COVID-19, sa ilalim ng isang electron microscope.
Released/NIAID-RML

MANILA, Philippines — Kahit na nagpapatupad na ng mahipit na enhanced community quarantine (ECQ) ang Luzon, maaari pa ring umabot sa 8 milyon at kalahati ang tatamaan ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) bansa.

'Yan ang inilahad ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) — isang think tank na pinatatakbo ng gobyerno — sa isang pag-aaral na kanilang inilabas noong Martes nang gabi.

"Under ECQ or ECQ extensions... following current conditions..., the peak of the outbreak is both delayed by the same amount of time as the ECQ duration and the number of cases at peak is reduced by 44% (18.9 million to 8.5 million)," sabi ng PIDS.

Inaasahan ng mga mananaliksik na rururok (peak) ang pagdami ng COVID-19 cases sa Pilipinas pagsapit nang Oktubre sa 8.5 milyong kaso kung itutuloy lang ang kasalukuyang schedule ng ECQ nang walang ibang ginagawang hakbang upang ma-isolate ang mga kaso ng COVID-19.

Tantya pa nila, kayang mausog nang dalawang linggo ang projected October peak kung palalawigin pa nang dalawang linggo ang lockdown.

Kaso kaya pababain kahit bawiin ang lockdown

Sa kabilang banda, posible raw na mapababa nang husto ang tatamaan ng COVID-19 — kahit magpatupad pa ng partial lifting ng ECQ — basta't ma-isolate lang ang 70% ng symptomatic cases.

Kung magagawa ito, kaya raw na maiusog ang peak sa Mayo o Hunyo 2021, sa bilang na 900,000 cases.

Ayon tuloy sa PIDS, kaya lang i-delay ng ECQ extension ang mabilis na pagdami ng kaso, ngunit testing at isolation pa rin sa positive patients ang magiging pinakaepektibo.

"To summarize, extending the ECQ without other mitigation measures merely delays the progression of the outbreak and still results in a large number of cases," sabi ng mga researchers.

"Aggressive efforts to implement early testing and, more importantly, earlier isolation of the majority of symptomatic cases to prevent them from infecting other susceptible individuals will be crucial to suppress the outbreak."  

Pagtataya ng publikasyon, posibleng rumurok ang outbreak sa sa Agosto 2020 at humawa sa 18.9 (18% nang buong populasyon ng bansa) kung hindi nagpatupad ng ECQ ang gobyerno kontra COVID-19.

Dagdag pa ng PIDS, maaaring mawalan nang P276.3 bilyon hanggang P2.5 trilyon ang ekonomiya ng Pilipinas.

Ibinatay nila ang nasabing projection sa pamamagitan ng  Leontief input-output model.

Ayon naman sa Japan-based investment bank na Nomula, maaaring umabot sa 8% ang jobless rate sa Pilipinas dahil sa COVID-19, na pinakamataas sa nakalipas na 13 taon.

Pasilidad magkukulang talaga kung...

Pangamba pa ng ahensya, magkukulang na ang lahat ng healthcare resources ng Pilipinas kung hindi matagumpay na maa-isolate ang hindi bababa sa 70% ng infected individuals.

Kung hindi raw mapapaigi ang isolation ng symptomatic cases matapos ang ECQ period, kakailanganin daw ng health system ang sumusunod sa peak day ng outbreak sa Agosto 2020:

  • 1.51 milyong kama
  • 456,000 intensive care unit beds
  • 246,000 ventilators
  • 727,000 doktor
  • 1 milyong nurse
  • 91,000 medical specialists
  • 36 milyong personal protective equipment 

Bukod sa ospital, inihahanda rin ng gobyerno ang ilang pasilidad gaya ng Philippine International Convention Center para maging pansamantalang quarantine facility ng mga pasyenteng may COVID-19.

Sa buong kapuluan, natukoy na ng gobyerno ang ilang pasalidad na maaaring magdagdag ng nasa 14,728 na bed capacity sa 101,688 beds sa mga pribado at pampublikong ospital, ayon sa datos mula sa "Situational Report of National Task Force" noong Abril 12.

Hindi pa kasama sa bilang na 'yan ang Cordillera Administrative Region, Region II, CALABARZON, MIMAROPA, Region V, Region VI, Region VIII at Region XI, kung saan hindi pa tapos tukuyin ang mga lugar na puwedeng gawing quarantine facilities.

Show comments