353 na ang COVID-19 cases sa 'Pinas na bumuti ang lagay, mas marami sa mga namatay

Litrato ng mga front liners na nagsusuot ng kani-kanilang personal protective equiptment (PPE).
The STAR/Edd Guman

MANILA, Philippines (Update 1, 4:57 p.m.) — Kahit tuloy-tuloy ang pagdami ng coronavirus disease (COVID-19) infections sa bansa, nahigitan na ng mga gumaling ang bilang ng mga namatay dahil sa virus.

Nagpatong-patong na kasi sa 353 ang mga gumagaling matapos maitala ang 58 new recoveries.

Mas marami 'yan kumpara sa 349 na ang mga namatay sanhi ng COVID-19, kahit nadagdagan nang 14 ang death toll.

Inanunsyo rin ng DOH ang karagdagang 230 kaso ng COVID-19 ngayong araw, dahilan para umabot na ang confirmed cases sa 5,453.

Pilipinas ang sinasabing may pinakamataas na bilang ng infections sa buong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

 

 

Una nang sinabi ng DOH na inaabot nang halos dalawang linggo bago tuluyang gumaling mula sa COVID-19 ang isang pasyente na nakararanas ng mild symptoms.

Mas matagal naman ang gamutan ng mga nakararanas ng malubha hanggang kritikal na kaso na maaaring umabot nang anim na linggo.

"Tayo po ay nakapagsagawa na ng 39,947 individual tests sa kabuuan," wika ni Dr. Maria Rosario Vergeire, Undersecretary at tagapagsalita ng DOH.

Sa bilang na 'yan, 34,116 na ang nagnegatibo, sabi pa ni Vergeire.

Sumampa naman na sa 117,021 ang mga binabawian ng buhay sanhi ng sakit sa buong mundo habang papalapit na sa 2 milyon ang kumpirmadong nahawaan nito, sabi ng World Health Organization sa kanilang pinakahuling situation report. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico

Related video:

Show comments