MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III sa mga local government units na abonohan muna nila ang ibibigay na ayuda para sa nasasakupang manggagawa ng informal sector habang hindi pa nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
"Abonohan niyo na muna, gamitin niyo na kahit anong pondo," pakiusap ni Sotto sa mga nagpapatakbo ng mga LGU.
"Ang usapan dito, buhay ng mamamayang Pilipino muna, saka na 'yung pera at 'yung gobyerno."
Kahapon lang nang humingi nang tawad si Cabinet Secretary Karlo Nograles sa mga low-income households na hindi pa rin nakatatanggap ng cash aid, na magmumula sa P200 bilyong social amelioration program (SAP) na inilaan lalo na sa mga nawalan ng pagkakakitaan habang naka-lockdown ang buong Luzon.
Sa ngayon, nasa P323 milyon na ang naipamahagi sa 14,400 benepisyaryo na nagmula sa sektor ng transportasyon, na labis naapektuhan matapos itong isuspindi habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine.
Nasa P43 bilyon naman na ang nailipat sa mga LGU habang P800 milyon naman ang ibinuhos sa Bangsamoro region.
Sa taya ni Nograles, na tagapagsalita rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the Management of Emerging Infectious Diseases, 50% na iyon ng P100 bilyon social ayuda na nakalaan dapat para sa buwan ng Abril.
"Hindi na maibabalik ang buhay pero 'yung pera maibabalik 'yan, kikitain ng gobyerno 'yan," dagdag pa ni Sotto.
Una nang sinabi ni Interior spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na maaari pang umapela ang mga LGU pagdating sa bilang ng mga pamilyang kwalipikado para sa SAP, na sana'y bahagi raw ng "poorest of the poor."
Sa Lungsod ng Pasig, inihahanda na nina Mayor Vico Sotto ang listahan ng mga pamilyang hindi makatatanggap ng SAP, na bibigyan naman daw nila ng Pasig City Supplemental SAP.
Isang linggo na ang nakalilipas nang sabihin ni Nograles na hindi makaaasa ng anumang ayuda ang mga "can afford," o may pera, sa panahong ito. — James Relativo