TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad ang isang pastor ng isang relihiyon at kanyang mga alagad dahil sa pagdaraos ng misa sa Barangay San Antonio, Enrile, Cagayan noong Linggo na Pasko ng Pagkabuhay na labag sa ipinatutupad na enhanced community quarantine laban sa novel coronavirus 2019 (COVID-19).
Kinilala ni Major Lorvinn Layugan, hepe ng Enrile Police Station, ang inaresto na si Pastor Victor Mangoma, 33, ng Presbyterian Church at residente ng Barangay Bagay sa lungsod na ito.
Bukod kay Mangoma, isinama rin sa presinto ang mga alipores niyang sina Kagawad Melanie De Guzman, 37, at Sekretaryo Rodrigo Aguirre, 42, ng Barangay San Antonio.
Nabatid na nangamba ang mga mamamayan sa naturang barangay sa napansing pagtitipon ng mga tao sa nabanggit na misa noong Linggo ng Pagkabuhay kaya itinimbre ito sa cellphone ng himpilan ng Pulisya dakong alas-10:30 ng umaga.
Ipinagbabawal ng awtoridad maging ang pagdaraos ng banal na misa dahil sa banta nitong makapagkalat ng COVID-19 habang nagtitipon ang mga tao.