MANILA, Philippines — Labag sa mga patakaran sa quarantine ang pagsusulputan ng mga online pabili services, ayon sa Philippine National Police.
“Ang mga napaulat na nagsulputang mga informal delivery services, tulad umano ‘yung sa mga Facebook groups, mga nabibigyan ng raket na mga displaced Grab o trike drivers ay lahat violation ng quarantine rules,” sabi ni PNP spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac.
Sa regulasyon sa lockdown, ang mga manggagawa lang na naghahatid ng mga goods sa pamamagitan ng mga lehitimo at duly-registered delivery apps and services ang exempted sa transport ban.
Nanawagan si Banac sa publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga informal delivery services.
“Paalala sa publiko, huwag makipag-transaksyon sa mga ganitong uri ng serbisyo na hindi awtorisado ng IATF,” sabi ni Banac.
Sinabi niya na ipagpapatuloy ng PNP ang mahigpit na pagpapatupad ng quarantine guidelines hanggang Abril 30 at hinikayat ang publiko na manatili sa bahay.
“Sinumang mahuhuling lalabag ay sasampahan ng kaso sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act,” sabi pa niya.