MANILA, Philippines — Inabisuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na 'wag madaliin ang gobyerno sa pagsugpo ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, isang problemang napababayaan daw niya nang husto ayon sa mga kritiko.
"'Wag ninyong madaliin. Sabihin ko sa inyo, think of it na ganito ang sitwasyon. Tatakbo ito nang two years," wika ni Digong sa isang late night speech.
"Pagka hindi ito naayos, ang COVID, mapurnada talaga tayo lahat."
Sinabi 'yan ng kontrobersiyal na pangulo isang araw matapos itanggi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na inismol ni Duterte ang pagpasok ng COVID-19 noon sa bansa.
Mula sa isang kumpirmadong kaso noong Enero, umabot na sa 3,870 ang confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas — 182 sa kanila ang namatay na.
Pilipinas ang ikalawa sa may pinakamataas na COVID-19-related death sa buong Southeast Asia sunod sa Indonesia na may 240, ayon sa ASEAN Briefing.
Pagdidiin ni Digong, hindi matatapos ang problema hangga't hindi nakakaimbento ng gamot panlaban sa virus.
"Ano ang sagot? Vaccine. Walang vaccine, COVID stays," dagdag niya.
Matapos ang paulit-ulit na pag-ayaw sa travel ban sa Tsina, na pinagmulan ng COVID-19, matatandaang sinabi noon ni Digong noong Pebrero na "walang gaanong dapat katakutan" sa coronavirus. Hindi naman daw kasi ito nakatatakot.
Pero depensa ni Panelo, sinabi lang ito ni Digong upang hindi magkagulo at mabalisa ang publiko.
"Ayaw niya lumikha ng anxiety at pagkatakot sa ating kababayan," paliwanag ng presidential spokesperson kahapon.
Sa isang linggo, ika-14 ng Abril, pa lang magsisimula ang "mass testing" ng patients under investigation (PUIs) at patients under monitoring (PUMs) bagama't matagal na itong panawagan ng kanyang mga kritiko.
'Noon ko pa nakita'
Sa kabila ng mga batikos, naninindigan si Duterte na binabantayan niya nang maigi ang sitwasyon.
"Anong silbi, nagawa?... Ito nakikita ko na noon pa. ito, itong COVID na ito, sinusundan ko talaga. Kasi sinasabi, come... Hindi ho, ako ang pinakauna sa lahat, nag-lockdown," banggit pa ng pangulo.
"Kasi nasusundan ko na ang storya. At sabi ko, nagbabasa naman ako, different sources of knowledge. Facebook, everything.,. lahat na lang, what I can get my hands on to study the matter because presidente ako. Dumating nga."
Aniya, noon pa sila present ng militar, pulis, mga doktor at health professionals sa pagresponde sa pandemic.
Naaawa na rin daw ang pangulo sa mga pulis, na nagmamando pa rin sa mga checkpoints sa ngayon kahit na delikado sa labas.
"Buti na lang early on my term, may ginawa ako para sa inyo," sabi niya habang tila tinutukoy ang pagdadagdag noon sa sweldo sa mga pulis at militar.
Ipinatutupad hanggang ika-30 ng Abril ang enhanced community quarantine sa buong Luzon bilang pagsusumikap ng presidente na masugpo ang lalong pagkalat nito.
Dahil diyan, suspendido pa rin ang lahat ng klase, pampublikong transportasyon at trabaho nang marami, habang work from home naman ang iba.