MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon ang World Health Organization na mangangailangan na ng halos anim na milyong nurse ang buong mundo kaugnay ng paglaganap ng sakit na COVID-19.
“Nurses are the backbone of any health system,” ayon kay WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus.
Sabi ni Ghebreyesus, maraming nurse ngayon ang nasa frontline ng pakikibaka laban sa COVID-19 at mahalagang mabigyan sila ng kinakailangang suporta para manatiling malusog ang daigdig.
Binabanggit sa report na mayroon lang 28 milyong nurses sa buong mundo. Sa loob ng limang taon hanggang noong 2018, lumaki nang 4.7 milyon ang kanilang bilang.
Pero kinukulang pa rin ng 5.9 milyong nurse ang mundo, sabi ng WHO na pumunang ang malaking kakulangan ay nasa mahihirap na mga bansa sa Africa, Southeast Asia, Middle East at ilang bahagi ng South America.
Ayon naman kay Mary Watkins na co-chair ng report para sa Nursing Now, kulang ang mga nurse sa mas mayayamang bansa kaya umaasa sila sa pagkuha ng mga dayuhan na nagpapalubha naman sa kakulangan ng mga nurse sa mas mahihirap na mga bansa.
Nagbabala si Catton sa mga peligro na ang mayayamang bansa ay umaasa sa Pilipinas at India para sa suplay ng mga nurse na magdudulot naman ng kakulangan ng nurse sa mga bansang ito.
Sinasabi pa ng mga eksperto na nananatiling dominante ng mga babae ang nursing at kailangang kumuha ng marami pang lalaki.