COVID-19 treatment mula April 15 'di na ililibre ng PhilHealth, rates inilabas

Papasok ng Sta. Ana Hospital sa Maynila, na accredited ng Philhealth, ang dalawang manggagawang pangkalusugan habang patuloy ang kanilang operasyon kontra COVID-19.
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Muling idiniin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hanggang ika-14 ng Abril na lang babalikatin nang buo ng gobyerno ang gastusin ng mga tatamaan ng coronavirus disease (COVID-19), Martes.

Sa panayam ng state-run PTV4, sinabi ni PhilHealth President at chief executive officer (CEO) Ricardo Morales na limitado na lang ang kaya nilang sagutin sa gamutan ng nakamamatay na sakit sa 5,000 accredited health facilities sa bansa simula susunod na Miyerkules.

"Meron lang tayong case rate. At pwede ko nang banggitin... para sa magkakasakit ng COVID-19 after April 14. Meron tayong apat na categories," wika ni Morales.

Narito ang mga naturang "case rate," na kayang i-reimburse ng ahensya depende sa klase ng komplikasyong pneumonia:

  • mild pneumonia (P43,997)
  • moderate pnuemonia (P143,267)
  • severe pneumonia (P333,519)
  • critical pneumonia (P786,384)

"Pneumonia kasi ang komplikasyon ng COVID-19," wika pa ng PhilHealth president.

Aniya, ginagawa nila ito upang maipagpatuloy ang "sustainability" ng anti-COVID campaign, na tumama na sa 3,660 at pumatay sa 163 sa Pilipinas noong Lunes.

"Although 'yung pondo naman ng Philhealth... sufficient, hindi naman unlimited," dagdag ng Philhealth official, na isa ring retired brigadier general.

Ititigil ang full Philhealth coverage ng COVID-19 treatment kahit in-extend ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine hanggang ika-30 ng Abril bilang pagsusumikap na hindi na kumalat ang virus.

Gamutan 'full coverage' pa ng Philhealth ngayon

Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na hindi pa rin sisingilin sa ngayon ang mga tinatamaan ng kinatatakutang sakit.

"Up to April 14, 'at cost' ang sasagutin ng Philhealth. Walang dapat ibayad ang mga pasyente," ani Morales, habang pinahuhupa ang takot ng marami.

Sabi pa niya, naglabas na sila ng advisory sa mga ospital at kani-kanilang tauhan tungkol sa polisiyang ito.

Sa kabila niyan, aminado siyang hindi pa sumusunod ang lahat ng ospital dito.

"May mga area siguro na hindi naabot nitong guidelines na ito. Pero tinatawagan namin 'yung mga hospital adminsitrators to remind them na dapat wala silang isisingil sa mga pasyente," paliwanag pa niya.

Umaabot sa P30 bilyon pondo ang inihanda ng Philhealth sa pagsalo ng hospital costs. Sa halagang 'yan, nasa P6 bilyon pa lang ang naaaprubahan para magamit.

Wika pa niya, "skeletal" din ang kanilang workforce sa ngayon buhat ng ECQ, kung kaya't mabagal ang paglilipat ng pera.

Una nang sinabi ng Department of Health na magsisimula ang "mass testing" ng lahat ng patients under investitation (PUIs) at patients under monitoring (PUMs) kaugnay ng COVID-19.

Show comments