MANILA, Philippines (Update 1, 6:09 p.m.) — Tuloy-tuloy ang pag-akyat ng kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) infections sa bansa, Huwebes, dalawang linggo bago mapaso ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Nakapagtala ng karagdagang 322 kaso ang Department of Health ngayong araw, dahilan para umabot na ito sa 2,633 ngayon.
Inanunsyo rin ang 11 panibagong nasawi, kung kaya't nasa 107 na ang kabuuang bilang ng binawian ng buhay habang nakikipagbuno sa COVID-19.
Umabot naman na ng 51 ang gumagaling matapos swertehin ang dagdag na isang pasyente. Karamihan pa rin ng mga kaso ay mga lalaki.
Meron na ring 1,275 na nagnenegatibo sa COVID-19 testing pagdating sa mga patients under investgation, ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III.
Hinihintay pa rin ang resulta ng nalalabing 816 cases kung positibo sa nakamamatay sa sakit o hindi.
Lumobo na sa 40,598 ang pumanaw dulot ng virus sa buong mundo habang 823,626 na ang tiyak na tinamaan nito.
Pinoy sa ibayong dagat na may COVID-19
Samantala, kinumpirma naman ng Department of Foriegn Affairs (DFA) na pumalo na sa 448 ang kabuuang bilang ng mga Pilipino sa 32 bansa na nagpositibo sa COVID-19.
Sa bilang na 'yan, 228 ang beripikado ng DOH International Health Regulation (IHR).
Nasa 313 ang kasalukuyang sumasailalim pa rin sa gamutan overseas habang 121 na sa kanila ang gumaling na at napalabas ng ospital.
Hindi naman pinalad ang 14 Pilipino, na binawian na ng buhay habang nakikipaglaban sa virus.
"Gumaling na ang lahat ng 80 Pilipinong unang nagpositibo sa COVID-19 na nakasakay noon ng MV Diamond Princess na nakadaong sa Japan," sabi ng DFA sa isang pahayag sa Inggles.
"Ang pinakahuling kamatayang naiulaty ay mula sa ating mga career diplomat na si Philippine Ambassador to Lebanon Bernardita 'Bernie' L. Catalla."
Dagdag pa nila, nawa'y magsilbing inspirasyon ang sakripisyo ni Catalla sa lahat ng Pilipino na lalong nagsusumikap sa harap ng kahirapan.