Halos 2K testings kits sablay

MANILA, Philippines — Halos nasa dalawang libong testing kits ng Department of Health (DOH) ang nagpakita ng hindi konklusibo o malinaw na resulta sa coronavirus disease (COVID-19) makaraang gamitin sa mga ‘person under investigation (PUIs)’.

Iniulat ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire kamakalawa ng hapon na nitong Marso 30, may kabuuan nang 15,337 tests ang kanilang naisagawa kung saan 2,388 ay lumabas na positibo sa COVID-19.  Kasama sa bilang ang mga repeat tests.

Nakapagtala rin ang DOH ng 11,129 na negatibong resulta habang nasa 1,820 ay ‘equivocal results’. “Ibig sabihin ‘di sigurado kung negative o positive at ito ay uulitin pa,” paglilinaw ni Vergeire na nagsabi ring may naiwan pang 85,000 test kits.

Hindi naman nilinaw ng opisyal kung saan o kanino galing ang mga test kits na lumabas na hindi konklusibo ang resulta.

Dati ng inihayag ni Vergeire na mababa ang ‘accuracy’ ng test kits galing sa China na kinalaunan ay binawi nila at sinabing nasa standard ng World Health Organization WHO.

Show comments