^

Bansa

QC residents na humiling ng ayudang pagkain dahil lockdown, dinisperse; 20 arestado

James Relativo - Philstar.com
QC residents na humiling ng ayudang pagkain dahil lockdown, dinisperse; 20 arestado
Kuha ng harapan ng pulis at mga residente.
News5/Arnel Tugade

MANILA, Philippines — Arestado ang 20 residente ng Sitio San Roque, baranggay Bagong Pag-asa sa Quezon City nang makagitgitan ang mga pulis sa paghingi ng ayuda dahil sa enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ayon sa Philippine National Police, bandang 9 a.m. nang magtipon ang ilang residente sa EDSA upang makahingi ng food aid mula sa QC local government unit at sa national government.

Daing ng mga residente, hindi pa raw kasi sila nakakukuha ng relief goods.

Isang oras daw pinakiusapan ang mga residente na umuwi ng bahay dahil sa lockdown, ngunit tumanggi, dahilan upang magkagulo at maaresto ang ilan bandang 11 a.m.

"Naiintindihan kong maraming challenges sa pagpapatupad ng... quarantine... pero may kanya-kanya tayong sakripisyo para mapalanunan ang laban na ito," ayon kay PMGen. Debold Sinas, National Capital Region Police Office chief, sa Inggles.

Nililimitahan ng enhanced community quarantine ang paggalaw ng mga sibilyan sa ngayon bilang pagsusumikap ng gobyerno na huwag kumalat ang nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19), na tumama na sa 2,084 at pumatay sa 88.

Giit ng PNP, mga miyembro ng militanteng urban poor group na KADAMAY ang mga naaresto.

Pero sa panayam ng PSN, sinabi ng KADAMAY na ispontanyong pagkilos ito ng mga gutom na residente. 

Sabi ni Weng Macatao, chief of staff ni QC Mayor Joy Belmonte, nagbigay na raw ng relief goods sa barangay kung saan aminado ang kanilang kapitan na hindi pa nakararating ang tulong sa lahat ng area.

"[M]eron kasing ibang network na nagpropaganda sa loob na may magbibigay [ng tulong]. Ang sabi, 'May magbibigay, nasa labas na.' Kaya nagtakbuhan 'yung mga tao," ani Macatao.

"Nagkaroon ng miscommunication actually. At siyempre actually 'yung pulis, kapag maraming tao, 'yung ano, iba rin 'yung reaction. Nagkagitgitan."

Aniya, naiintindihan daw nila na natural na reaksyon ito ng tao. May nakatakda rin daw sanang pagbibigay ngayong araw sa lugar ngunit nagtakbuhan na raw ang tao.

Ikinagalit naman ng KADAMAY ang pagkakaaresto ng mga residente, na tanging hiling lang naman daw ay maambunan ng tulong.

"Imbis na pakinggan ang hinaing ng mahihirap na nagdurusa dahil sa kawalan ng tugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng mahihirap, inaresto at dinahas pa. Dapat tanungin natin, bakit hanggang ngayon wala pa ring ayuda sa maraming mahihirap?" sabi ni Gloria "Ka Bea" Arellano, tagapangulo ng grupo.

"Hindi maiiwasan ang mga ganitong biglaang pagputok ng galit ng masa kung magpapatuloy ang administrasyon sa paggamit ng militarisasyon at hindi serbisyong panlipunan."

LGU ayaw magkaso pero PNP pursigido

Wala naman daw plano magkaso ang local government: "I think siguro mag-uusap na lang. Magcha-charge ka pa ba ngayon sa ganitong sitwasyon ng buhay?" sabi ni Macatao.

Papunta na raw sina Barangay Captain Rodolfo Palma at Rannie Ludovica, head ng Task Force Disiplina, upang pangunahan ang dayalogo.

Sa kabila nito, pursigido ang PNP na maghain ng kaso.

Sa statement na ipinadala ng NCRPO, maghahain sila ng kasong paglabag sa Republic Act 11469, RA 1132, RA 922 at RA 151.

Ang RA 11469 ay tutukoy sa pagdedeklara ng "national emergency" kaugnay ng COVID-19, habang tumutukoy naman ang RA 11332 sa surveillance at response sa "notifiable diseases."

Wala namang kinalaman sa COVID-19 at pagkontrol ng populasyon dahil sa sakit ang RA 922, dahil land grants sa executive board ng Girl Scouts of the Philippines ang nilalaman nito.

Sa kabila nito, tinutukoy ng Proclamation 922 ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng "state of public health emergency" sa buong Pilipinas.

Wala ring kinalaman sa mga protesta o COVID-19 ang RA 151, na nagaamyenda sa National Internal Revenue Code.

Paliwanag ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, kapulisan mismo ang magfa-file ng mga nabanggit na kaso.

Pagkundena, panawagang pagpapalaya

Nananawagan ngayon sina Arellano, pati ng iba't ibang grupo na mapakawalan na ang 20 inaresto dahil sa spontanyong pagkilos.

"[P]alayain na dapat ang lahat ng hinuli at pakinggan ang kanilang hinaing para sa pagkain at serbisyo," sabi ng KADAMAY leader.

Aniya, pagkakataon na ito ng Quezon City government na makabawi para sa mga nasasakupan.

Hiniling din nila ang libreng mass testing laban sa COVID-19 at agarang paglabas ng ipinangakong P8,000 social assistance sa low income families na labis na nahihirapan sa pandemic.

Binanatan din nila ang solusyong militar na inilalapat sa kasalukuyang daing ng publiko, na sa totoo'y krisis pangkalusugan.

Ikinatatakot din nila ngayon na magamit ito upang magdeploy ng militar sa Sitio San Roque, na matagal nang sinusubukang i-demolish.

"[D]apat hindi maging katwiran ito para dagdagan pa ang sundalo at pulis sa loob at paligid ng San Roque. Uulitin ko, mass testing, serbisyong panlipunan at medikal ang kailangan hindi aksyong military," panapos ni Arellano.

Pagbabahagi: Shareholder si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo sa digital news outlet na Philstar.com. Ang artikulong ito ay ginawa alinsunod sa mga editorial guidelines.

ARREST

NOVEL CORONAVIRUS

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

RELIEF

SITIO SAN ROQUE

URBAN POOR

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with