MANILA, Philippines — Katiting kung ikukumpara ang bilang ng coronavirus disease (COVID-19) tests na isinagawa ng Pilipinas sa mga nakalaboso sa pagsuway sa panuntunan ng enhanced community quarantine, kung ibabatay sa datos ng gobyerno.
Umabot na kasi ng 17,039 ang nakukulong sa paglabag ng lockdown guidelines — malayong-malayo sa 3,938 COVID-19 tests na ginawa sa buong bansa, ayon sa tala Department of Health kanina.
Ang datos ng ikinulong ay bahagi lamang ng 69,089 na naitalang violators ng kapulisan noong Lunes, na ipinamahagi ni Police Lieutenant Gen. Guillermo Eleazar sa media, ang Philippine National Police deputy chief for operations.
"Naaalarma kami sa napakataas na bilang ng mga indibidwal na kinulong... [pero] mas nakababahala na napakaliit ng tine-test kumpara sa mga numerong 'yan," galit na pahayag ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago sa Inggles, Martes.
"Solusyong medikal, hindi militar!"
48,273 na-warningan
Sa 69,089, sinasabing 48,273 ang nakatikim lamang ng warning habang 3,777 naman ang pinagmulta na lamang.
Curfew at disobedience violations ang karaniwang nilalabag ng mga inaresto, habang 593 ang hinaresto sa salang hoarding, profiteering at pagmamanipula ng presyo.
Umabot naman sa 6,837 ang bilang ng mga nahuling public utility vehicles (PUVs), na suspendido ang pamamasada sa buong Luzon dahil sa community quarantine.
Pero ayon kay Elago, sana raw ay awa ang pairalin ngayon ng gobyerno lalo na't madaling magkamali ang publikong naiipit sa krisis: "Nasa public health crisis tayo, hindi public order crisis."
Pinapapaspasan din ngayon ng batang mambabatas ang pamamahagi ng ipinangakong P5,000 hanggang P8,000 cash assistance sa mga bulnerableng sektor, na hirap ngayon kumita dahil sa paghihigpit lumabas ng bahay.
"Para makapagligtas ng buhay, hindi lang tayo daapt mag-focus sa virus pero pati na rin sa talamak na kahirapan at kagutuman na nagpapalala sa sitwaasyon," panapos ng party-list representative.
Umabot na sa 2,084 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 88 na ang namamatay.
Lunes ng gabi nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na inatasan na niya ang Department of Social Welfare and Development na magkaloob ng P200 bilyong tulong para sa mga mahihirap na tinamaan ng quarantine measures, na ipinatupad kontra malawakang hawaan.
Mass testing at military approach
Bagama't patuloy ang pagdami ng tinatamaan ng nakamamatay na COVID-19 sa Pilipinas, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire hindi pa sapat ang testing kits sa bansa upang makapagsagawa ng mass testing.
'Yan ay kahit na nadagdagan ng 100,000 ang testing kits sa Pilipinas at inaasahang maipaparehistro sa Food and Drug Administration ang libu-libong test kits ng UP National Institutes of Health (UP NIH).
"Wala pa sa konsiderasyon natin ang mass testing dahil kulang tayo sa kapasidad. Kahit na may testing kits tayo pero walang laboratoryo, hindi nawtin gagawin 'yan," ayon Vergeire.
"Kinukumpleto muna natin ang pagtatayo ng extension laboratories sa buong bansa."
Biyernes nang ipagtanggol ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., na chief implementer ng National Action Plan laban sa COVID-19, ang mga hakbanging militar ng gobyerno ngayon.
Aniya, usapin daw kasi ng "logistics" ang pakikipaglaban sa virus.