Kumpirmado: Bongbong Marcos positibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Kinumpirma na ng kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos na tinamaan ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) ang anak ng dating diktador, ayon sa isang pahayag, Martes.
Inilabas ang resulta ng COVID-19 test ni Marcos hapaon ng ika-28 ng Marso, ayon kay Victor Rodriguez, kanyang tagapagsalita. Sa kabila nito, gumaganda na raw ang kanyang lagay.
"GUMAGANDA na ang kondisyong pangkalusugan ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. makaraang ihayag sa resulta ng clinical test na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na siya’y positibo sa COVID-19," ani Rodriguez.
Inilabas ito ng spokesperson ilang araw matapos kumpirmahin ni Sen. Imee Marcos na masama ang lagay ng kanyang kapatid matapos manggagaling ng bansang Espanya.
Nasa 2,084 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. 88 sa bilang na 'yan ay pumanaw na.
"Pagkagaling ko sa Europa, tumungo agad ako noong sumunod na araw, Marso 14, 2020 sa isang ospital upang magpasuri dahil sa medyo may pananakit ang aking dibdib at upang matiyak ang aking kondisyong pangkalusugan dahil sa mga panahong ‘yon ay lumalaganap na ang coronavirus," sabi ni Marcos.
Bagama't sumama ang pakiramdam, umuwi naman daw si Bongbong dahil sa sobrang dami ng pasyente sa napuntahang ospital, kung kaya't hindi na siya nagpumilit magpaasikaso.
Lumabas na lang daw siya sa kanyang kwarto noong ika-22 ng Marso para magtungo sa emergency room ng parehong ospital matapos mahirapang huminga.
Sinabi ni Rodriguez na sumusunod ang dating kandidato sa pagka-bise presidente sa health protocol at nagpapagamot. Siya rin daw ay naka-isolate.
Una nang sinabi ni Liza Marcos, kanyang misis, na kumuha rin sila ng COVID-19 test ng kanilang buong pamilya at staff ng dating pulitiko at nagnegatibo raw.
- Latest