^

Bansa

Duterte sa health workers: Swerte kayo, karangalang mamatay para sa bansa

James Relativo - Philstar.com
Duterte sa health workers: Swerte kayo, karangalang mamatay para sa bansa
"May mga doktor na, mga nurses, attendants, namatay. Sila ‘yung nasawi ang buhay para lang makatulong sa kapwa. Napakaswerte nila. Namatay sila para sa bayan. Iyon ang dapat ang rason na bakit tayo mamatay," banggit niya kagabi.
The STAR/Joven Cagande, File

MANILA, Philippines — Bagama't dumarami ang bilang ng mga manggagawang kalusugang nalagasan ng buhay dahil sa coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na mapalad pa rin sila sa kanilang kinalalagyan.

Ang kontrobersyal na pahayag ay sinabi ni Digong sa kanyang talumpati, Lunes, na umere bago maghatinggabi kahit alas-kwatro pa dapat nagsimula.

"May mga doktor na, mga nurses, attendants, namatay. Sila ‘yung nasawi ang buhay para lang makatulong sa kapwa. Napakaswerte nila. Namatay sila para sa bayan. Iyon ang dapat ang rason na bakit tayo mamatay," banggit niya kagabi.

"Huwag tayong mamatay sa ibang rason, nasagasaan ka lang at wala ka namang ginawa. Magiging karangalan na mamatay para sa bansa, sinisiguro ko sa inyo."

Bukod sa mga doktor, nurse at allied health professionals, sinaluduhan din ng pangulo sa kanyang speech ang mga pulis, sundalo, civil servants at lahat ng mga naghahatid ng essential services sa pribadong sektor: "Tinitiyak kong susuklian namin ang inyong pagsusumikap. Hindi namin malilimutan ang inyong kabayanihan."

Una nang sinabi ng Philippine Medical Association na 12 na doktor na ang pumanaw habang nakikipaglaban sa nakamamatay na COVID-19 sa Pilipinas.

Sa panayam ng ABS-CBN sa kanilang chair na si Dr. Oscar Tinio, Linggo, mahigit 5% na ng health workers ng Pilipinas ang kasalukuyang naka-quarantine dahil sa pakikisalamuha sa mga suspected at confirmed cases ng COVID-19.

Dahil sa araw-araw na kinakaharap ng mga nasa frontline, hindi raw maiwasan ng pangulo na labis na mangamba.

"Somehow let the thought comfort you that I really worry about you, that I worry that you will not be able to reach an old age with your children and grandchildren," dagdag pa ni Duterte.

Matatandaang iminungkahi ni Sen. Richard Gordon sa pagdinig ng "Bayanihan to Heal as One Act" na mabigyan ng P1 milyon ang lahat ng pamilyang mauulila ng healthworkers sa gitna ng pandemic.

Problema sa protective equipment

Samantala, nakatakda nang i-deliver ng 1 milyong personal protective equipment (PPE), na binili ng gobyerno sa halagang ng P1.8 bilyon, para sa mga frontliners.

Marami sa mga nagtratrabaho sa ospital ang walang sapat na PPE, dahilan para gumamit ang ilan ng plastic garbage bags para takpan ang kani-kanilang katawan.

"It is unfortunate but people have to adapt and use do-it-yourself kits. WHO does not encourage this but this is a stop gap measure as we address a global shortage,” ayon kay Rabindra Abeyasinghe, representative ng World Health Organization sa Pilipinas.

Umabot na sa 1,546 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, habang 79 sa mga naturang kaso ang namatay na dahil sa sakit.

NOVEL CORONAVIRUS

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with