MANILA, Philippines — Nalalapit nang maabot ng marami ang mas mura't yaring Pilipino na test kits para sa coronavirus disease, ayon sa pahayag ng Department of Science and Technology (DOST), Lunes.
Ayon kay Ma. Lilibeth Padilla ng DOST-Science and Technology Information Institute (DOST-STII) Public Affairs Unit, tinatapos na lang ang field validation ng mga naturang COVID-19 testing kits hanggang Miyerkules, ika-1 ng Abril.
Kung papalarin, nakatakdang makakuha ng Certificate of Product Registration (CPR) ang mga test kit na nilikha ng Philippine Genome Center (PGC), UP National Institutes of Health at Manila (UP NIH) at HealthTek, Inc. sa Biyernes, ika-3 ng Abril.
Kasalukuyang vina-validate pa ang COVID-19 testing kits, na inaasahang matatapos sa Miyerkules.
Sabi ng Manila HealthTek Inc., dumating na ang unang batch ng reagents na gagamitin para sa chemical analysis upang makagawa ng dagdag na kits na sasapat sa 120,000 tests.
Aabot naman sa 1,300 testing kits na sapat para sa 26,000 tests ang gagawing prayoridad ng DOST para sa field implementation sa Philippine General Hospital (PGH), Makati Medical Center (MMC), The Medical City, Vicente Sotto Memorial Medical Center, Southern Philippines Medical Center at Baguio General Hospital (BGH).
Isasagawa ang nabanggit mula ika-4 hanggang ika-25 ng Abril, na popondohan ng DOST at UP NIH.
Nakatakdang ibenta sa halagang P1,300 kada isa ng Manila HealthTek Inc. ang natitirang kits na sasapat sa 94,000 tests — mas mura sa P8,000 kits na ibinebenta ngayon sa mga ospital.
"Ayon sa Manila HealthTek, may sapat silang order mula sa pribadong sektor na handang mag-donate sa Department of Health at mga ospital," dagdag ni Padilla sa Inggles.
Matatandaang sa Manila Health Tek Inc. din kumuha ng 3,000 COVID-19 testing kits ang Lungsod ng Marikina, na kanilang gagamitin sa kanilang molecular lab oras na mailipat nila ito ng venue.
Una nang napurnada ang plano ng Marikina na magsagawa ng mass testing dahil sa kakulangan ng approval mula sa DOH at accreditation mula sa World Health Organization.
5 rapid antibody test kits aprubado
Samantala, inaprubahan naman ngayong araw ng FDA ang pagpapagamit sa limang Rapid Test Kits para sa COVID-19.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, rehistrado raw ang mga naturang point-of-care test kits sa mga bansang may mapagkakatiwalaang regulatory agencies tulad ng Tsina at Singapore.
"Inaaprubahan namin ang kits na rehistrado sa mga bansang may makabagong teknolohiya at malawak na karanasan sa COVID-19," dagdag ni Domingo.
"Gusto naming magkaroon ng access ang taumbayan dito para sa testing ngunit siyempre, kailangan ng kinakailangang evaluation at safeguards."
Bilang pag-iingat, kinakailangang nakasulat sa mga Rapid Test Kits ang sumusunod:
"Ang produktong ito ay para lang sa medical professional at hindi pwedeng gamitin nang personal. Kinakailangang trained health professional ang magsagawa at umintindi ng test. Kakailanganin ang confirmatory testing."
Ayon pa kay Domingo, mas mabilis ang resulta ng mga rapid test kits kaysa sa mga polymerase chain reaction (PCR)-based kits, ngunit kailangan daw maging maingat dahil antibodies at hindi viral load ang sinusukat nito.
"Matagal bago mag-develop ng antibodies ang katawan at maaari itong maglabas ng negatibong resulta para sa mga pasyenteng nahawaan ngunit hindi pa nakakapag-develop ng antibodies," sabi pa ng FDA official.
Posible rin daw na biglang positibo ang resulta dahil sa cross reaction sa ibang bacteria o viruses, kung kaya't mahalaga pa rin daw ang PCR-based tests.
Inaprubahan din ng FDA ang SARS Cov2 kit ng Gene Xpert mula sa Abbott Laboratories na kayang maka-detect ng virus sa loob ng limang minuto.
Sa ngayon, 17 PCR-based test kits na ang aprubado para sa commercial use.