MANILA, Philippines — Inaresto ang isang 30-anyos na mister na Person Under Monitoring (PUM) sa COVID-19 infection matapos maghasik ng takot nang magpagala-gala sa Brgy. Centro 1, Lasam, Cagayan noong Biyernes.
Sa report ng pulisya, nakahilata pa sa duyan si Pablo Bisquera may 40 metro ang layo sa labas ng kanyang bahay nang datnan ng awtoridad.
Nabatid na isinuplong ng mga taga barangay si Biquera dahil sa pagiging pasaway sa utos na sumailalim sa 14 days quarantine sa bahay dahil galing ito sa Maynila.
Ayon sa report, umabot pa sa puntong nakiusap sa kanya ng personal ang Municipal Health Officer ng Lasam na si Dr. James Ayap subalit hindi nito pinansin.
Sa ngayon ay inaalam pa ng Lasam PNP kung saan dadalhin si Bisquera dahil nangangamba silang tamaan ng sakit ang kanilang mga bilanggo na sumusunod sa utos na huwag lalabas.
Nabatid sa DOH na 16,133 PUMs ang sinusubaybayan sa buong Cagayan.