MANILA, Philippines — Hindi pa isinasara ng gobyerno na lumampas pa ng isang buwan ang ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon laban sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).
Sa panayam ng CNN Philippines, Biyernes, sinabi ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. na pwede pa itong humaba.
"May possibility po. Pero tinitiyak namin sa publiko na kontrolado namin ito," ayon kay Galvez sa Inggles kanina, na pinangalanang chief implementer ng National Action Plan laban sa COVID-19.
Nakatakdang matapos ang Luzon lockdown sa darating na ika-12 ng Abril maliban na lang kung maagang tatapusin o pahahabain.
Dahil sa quarantine, labis na pinaghihigpitan ang mga residente ng Luzon mula sa paglabas ng bahay habang suspendido pa rin ang lahat ng pampublikong sasakyan.
Ayon pa kay Galvez, tatlong parameter daw ang makapagpapatunay na nananalo ang Pilipinas laban sa COVID-19 spread: Dapat mapigil ang pagkalat. "Dapat tumaas ang recoveries. Dapat ma-reduce ang death rate to zero."
Ipinagtanggol din niya ang pamamaraang militar laban sa sakit dahil usapin daw ito ng "logistics."
Miyerkules lang nang sabihin ni Interior Secretary Eduardo Año na kayang mapigilan na maging katulad ng Italy ang Pilipinas, na isa sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 ngayon sa mundo.
"Ang gusto natin ay ma-flatten ang curve para kayanin pa nating magamot ang kaso ng mga positive patients. Kung hindi tayo kikilos, [ang sitwasyon natin] ay magiging gaya ng sa Italy, kung saan hahayaan na lang natin mamatay ang mga tao dahil 'di na tayo makagamot [ng pasyente]," ani Año, na vice chairperson ng NAP.
Una nang sinabi ng Department of Health na maaaring umabot ng 75,000 ang COVID-19 infections sa Pilipinas sa loob ng dalawa o tatlong buwan kung hindi masasawata ang pagkalat ng virus.
Kasalukuyang nasa 803 na ang tinatamaan ng nakamamatay na sakit sa Pilipinas, na araw-araw ding nadadagdagan. Sa bilang na 'yan, 54 na ang namamatay. — James Relativo