MANILA, Philippines — Hindi muna pahihintulutan ang pisikal na coverage ng press sa loob ng New Executive Building sa Palasyo bilang pag-iingat sa lalong pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), ayon sa Presidential Communications Operations Office, Biyernes.
"Hindi muna papayagan ang mga miyembro ng press sa loob ng press briefing room hanggang matapos ang Enhanced Community Quarantine," ani PCOO Undersecretary for Broadcasting and Mass Media Raquel Tobias sa Inggles.
Tanging cameraman ng gobyerno, resource person at isang moderator na lamang mula sa Office of Global Media and Public Affairs (OGMPA) ang papayagan sa nasabing lugar simula ngayong araw.
Sa kabila nito, maari pa rin naman daw makilahok ang media sa virtual press conferences ng Palasyo.
Pinagsusumite na lang ng katanungan ang media sa moderator o resource speaker ng Palasyo kaysa magtanong nang personal.
"Sasabihan na lang ang media ng OGMPA ng listahan ng resource speakers na mag-i-issue ng public address sa pamamagitan ng Malacañang Viber group," dagdag ni Tobias.
Ine-engganyo naman ngayon ng gobyerno na ipalabas sa kani-kanilang channel ang mga public address na ilalabas sa PTV sa mga susunod na araw.
4 kinasuhan sa 'fake news'
Habang pinagbabawalan ang lahat na mag-cover nang personal sa Palasyo, kinasuhan naman ng gobyerno ang apat na katao matapos diumano magpakalat ng pekeng impormasyon tungkol sa coronavirus disease (COVID-19).
Pinangalanan ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group ang mga suspek bilang sina Maria Diane Serrano mula sa Cabuyao City at Fritz John Menguito, Sherlyn Solis, and Mae Ann Pino galing Lapu-Lapu City, ayon sa ulat ng GMA News.
Nagdulot daw kasi ng panic si Serrano sa kanyang lungsod matapos ipakalat na may namatay na COVID-19 patient sa sa Global Medical Center Inc. noong Enero.
Samantala, responsable naman daw sa pagkakalat ng 'di beripikado at pekeng impormasyon ang tatlong residente ng Lapu-Lapu hinggil sa COVID-19.
"Ulit-uli, pinaaalalahanan namin ang publiko na iwasang magpaskil ng hindi mapagkakatiwalaan at unverified reports sa pandemic na maaaring magdulot ng panic at takot," ani PNP spokesperson Police Brigadier Gen. Bernard Banac.
Humaharap ang apat sa kasong paglabag sa Anti-Cybercrime Law at "Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances" sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code.