DOH: COVID-19 deaths umabot sa 54 sa paglobo ng kaso sa 803

Kinukuhanan muna ng temperatura ng gwardyang ito ang mga mamamimili bago pumasok sa isang palengke bilang pag-iingat sa COVID-19.
The STAR/Boy Santos

MANILA, Philippines (Update 1, 6:05 p.m.) — Hindi pa rin natitigil ang arawang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas habang papalapit na ang pagbubukas ng Abril.

Sa huling tala ng Department of Health, Biyernes, umabot na sa 803 ang tinatamaan ng nakamamatay na sakit sa Pilipinas.

Nasa 96 kasi ang naidagdag na COVID-19 cases mula sa bilang na inanunsyo kahapon. 

Umakyat nang siyam ang kumpirmadong nasawi sa virus sa kasalukuyan, dahilan para umabot na ito sa 54.

Samantala, nadagdagan naman ng tatlo ang gumagaling sa virus kung kaya'y 31 na ang kabuuang bilang ng recoveries.

Ayon sa DOH, isang 48-anyos na Pinoy mula sa Taguig City ang ika-29 na mapalad na gumaling sa COVID-19.

Tinawag na patient 4, meron siyang travel history sa Japan, na tinamaan din nang husto ng sakit.

Pinalabas siya ng pagamutan noong ika-19 ng Marso habang hindi nagpapakita ng sintomas at nagnegatibo na sa test nang isang beses.

Si patient 66 naman ang ika-30 na nag-recover, na isang 25-anyos na Pinoy mula Pasig City.

Bagama't hindi siya lumabas ng bansa sa mga nagdaang panahon, may nakasalamuha na siyang kumpirmado kaso ng sakit.

Na-discharge siya sa pagamutan noong ika-25 ng Marso, asymptomatic, at nagnegatibo nang dalawang beses.

Isang 51-anyos na Pinoy naman mula Pasig City ang ika-31 na recovery, na pinangalanang patient 42.

Gaya ng naunang gumaling, may kasaysayan din siya sa pagpunta sa bansang Hapon.

Pinalabas siya ng ospital noong ika-26 ng Marso habang walang sintomas at nagnegatibo nang isang beses.

Kung titignan ang pinakasariwang datos ng World Health Organization, dahan-dahan nang lumalapit sa kalahating milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa mundo.

Umabot na kasi sa 462,684 ang global confirmed cases habang 20,834 na ang namamatay.

"Very high" pa rin ang risk assessment ng WHO sa naturang sakit, na isinalarawan na bilang pandemic ng kanilang director general na si Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus.

"We have never before seen a pandemic sparked by a coronavirus. This is the first pandemic caused by a coronavirus," ani Ghebreyesus noong ika-11 ng Marso.

"And we have never before seen a pandemic that can be controlled, at the same time. "

Show comments