MANILA, Philippines — Inamin ni Sen. Juan Edgardo "Sonny" Angara sa publiko, Huwebes, na nahawaan siya ng kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19), dahilan upang maging ikatlong Pilipinong senador na nadali ng virus.
Una nang nagpositibo sa sakit sina Sen. Juan Miguel Zubiri at Sen. Koko Pimentel.
"Ikinalulungkot kong inansyo na ngayong araw, ika-26 ng Marso, natanggap ko ang aking test result at positibo ito para sa COVID-19. Nakararamdam ako ng ilang sintomas gaya ng mahinang lagnat, ubo, sakit ng ulo at panghihina," sabi niya sa isang pahayag sa Inggles.
Dagdag pa ng senador, hindi pa siya lumalapit sa publiko simula nang nagpa-test noong ika-16 ng Marso.
"Humihingi ako ng pangalangin ninyo na sana'y malampasan natin ang matinding hamon na ito," saad ni Angara.
Senate coronavirus scare
Marso pa lang nang sumailalim sa "self-quarantine" ang maraming senador matapos mapag-alamang may COVID-19 ang isang resource person na dumalo sa isa nilang committee hearing.
Kahapon nang umani ng sari-saring batikos si Pimentel matapos lumabag sa home quarantine protocol nang dalhin niya ang buntis na asawa sa Makati Medical Center kahit nagpapakita na siya ng ilang sintomas ng COVID-19.
Tinawag nang "iresponsable" at "reckless" ng ospital si Pimentel dahil sa paglalagay niya raw sa peligro sa mga manggagawang pangkalusugan ng pagamutan.
Umabot na sa 636 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, 38 sa kanila ang patay na. — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico