Local COVID-19 infections tumuntong sa 636, patay umakyat sa 38
MANILA, Philippines (Update 1, 5:25 p.m.) — Lalo pang umakyat ang bilang ng mga nahahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas halos dalawang linggo simula nang unang ideklara ang "community quarantine" ng buong Metro Manila.
Nadagdagan pa kasi ng 84 ang bilang ng nag-contract ng virus sa bansa, dahilan para pumatak ang COVID-19 cases sa 636.
Umakyat naman nang tatlo ang bumigay ang katawan habang nakikipagbuno sa virus, kung kaya't 38 na ang namamatay dito sa bansa.
Sinasabing 56-anyos na Pinoy mula sa Lungsod ng Quezon ang ika-36 na namatay sa sakit, na hindi lumabas ng bansa sa nagdaang panahon at walang nalalamang pagka-expose sa iba pang COVID-19 positive case.
Binawian siya ng buhay dahil sa community-acquired pneumonia secondary to COVID-19.
Bago tamaan ng virus, umiinda na ng hypertension at diabetes mellitus ang namatay.
Isang 57-anyos na Pinoy naman mula sa Lungsod ng Caloocan ang ika-37 na fatality, na wala ring travel at exposure history.
Pumanaw ang nasabing pasyente dahil sa acute respiratory distress syndrome secondary to community acquiared pneumonia high risk at COVID-19.
Pareho sila ng iniindang karamdaman ng naunang pasyente, maliban sa dyslipidemia.
Ang ika-38 na namatay ay isa namang 82-anyos na Pinoy mula sa Lungsod ng Marikina, na may travel history sa Estados Unidos at may nakasalamuhang may COVID-19.
Patung-patong ang dahilan ng kanyang pagkamatay: shock multifactorial (septic and cardiogenic), acute respiratory distress syndrome secondary to COVID-19 pneumonia at acute renal failure secondary to sepsis.
Meron din siyang hypertension, diabetes mellitus at valvular heart disease bago pa isugod sa ospital.
Anim pa ang naka-recover
Ang pag-akyat ng mga kaso ng mga may COVID-19 ay dahil din sa pagdami ng nate-test.
Sa kabila nito, nakarekober ang anim pang kaso ayon sa Department of Health, dahilan para mapirmi sa 26 ang kabubuang bilang ng mga gumagaling.
Miyerkules ng madaling araw nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "Bayanihan to Heal as One Act" na kapapasa lang noong Lunes, na magbibigay sa kanya ng mas matinding kapangyarihan bilang tugon sa COVID-19 spread.
Tuloy-tuloy namang ipatutupad hanggang Abril ang enhanced community quarantine sa buong Luzon, na naglilimita sa pagkilos ng mga residente ng pulo at nagsususpindi sa lahat ng pampublikong transportasyon para maiwasang magkahawaan ang mga tao.
Lumobo na sa 372,757 ang tinatamaan ng COVID-19 sa iba't ibang panig ng daigdig habang 16,231 na ang nasasawi, ayon sa pinakahuling tala ng World Health Organization.
Kasalukuyang naka-set sa "very high" ang WHO risk assessment ngayon kaugnay ng pandemic.
- Latest