^

Bansa

Kahit nauna ang gov't officials, DOH wala raw VIP treatment sa COVID-19 testing

James Relativo - Philstar.com
Kahit nauna ang gov't officials, DOH wala raw VIP treatment sa COVID-19 testing
Kuha ng ilang mambabatas sa Senado
File

MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Department of Health, Lunes, na binibigyan nila ng espesyal na trato ang ilang saray ng lipunan sa pagbibigay ng coronavirus disease (COVID-19) testing.

'Yan ay matapos makapagpa-test ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang ilang senador, mambabatas at ilang miyembro ng Gabinete habang hirap na hirap ang ilan na mapayagang makapagpasuri kaugnay ng nakamamatay na sakit.

Ilan sa mga hindi nabibigyan ng COVID-19 test ang mga frontliners at mga karaniwang taong nakararanas ng ilang sintomas gaya ng ubo at sipon.

"[S]isinisiguro ng DOH na walang polisiya ng VIP treatment at lahat ng speciments ay pinoproreso gamit ang first-in, first-out basis," sabi DOH sa Inggles.

"Bilang galang na lang 'yun sa mga opisyal na humahawak ng position of national security at public health."

Hindi basta-basta nakakapagpa-test kaugnay ng COVID-19 dahil may sinusundang screening protocols ang DOH, lalo na't limitado ang testing kits sa Pilipinas.

Ang mga sumusunod ang mga agarang sinusuri para sa nasabing virus:

  • patients under investigation (PUI) na may mild symptoms na matanda, may iba pang iniindang kondisyon at immunocompromised
  • PUI nasa ospital at may malubha o kritikal na kondisyon

Sa kabila nito, marami sa mga gobyerno opisyal na una nang nasuri ay hindi naman pasok sa mga nasabing kwalipikasyon.

Bagama't sinabi na ng DOH na ginawa nila ito "bilang paggalang" sa mga gobyerno opisyal, humingi na ng tawad ang ilang pulitiko sa kanilang pagpapatest.

Ayon kay Cavite Gov. Jonvic Remulla, "maaaring nilaktawan" niya ang mga protocols ng DOH kung sinu-sino lang ang pwedeng suriin.

"May protocol at triage algorithm na itinakda ang DOH naw mukhang ini-skip ko. Inaako ko ang responsibilidad kung tingin niyo'y sinamantala ko ang pwesto ko," sabi ng gobernador.

"Gusto kong humingi ng tawad at ipinangangako kong hindi ko gagamitin ang posisyon para makapanlamang uli."

Humingi rin ng tawad si Sen. Francis Tolentino dahil sa kanyang pagpapa-swab test, ngunit paliwanag niya, nagkaroon siya ng "sipon at tuyong ubo" apat na araw bago ipadala ang kanyang mga sample.

"Ang negatibong resulta ko ay hindi DOH test. Humihingi ako ng tawad sa pagsailalim dito [sa test] dahil na-expeose ako sa mga taong nakasalamuha ng COVID-19 positive persons sa kalagitnaan ng mga pagdinig namin," sabi niya.

"Apologies sa mga nabastusan."

Sa Senado, tanging sina Sen. Francis Pangilinan at Risa Hontiveros lamang ang hindi nagpatingin, at sa halip, nag-self-quarantine na lamang.

Umabot na sa 462 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa gobyerno. 33 sa nasabing bilang ang binawian na ng buhay.

'#MassTestingNowPH'

Sa kabila ng nakikita nilang "VIP testing" ng ilang opisyales, kanya-kanyang kampanya ngayon ang iba't ibang grupo't personalidad upang masuri ng gobyerno ang laksa-laksang Pilipino.

Ayon sa Kabataan party-list, dapat gawing prayoridad ang sumusunod sa testing:

  • health workers/frontliners, lalo na ang mga exposed sa COVID-19 positive patients
  • PUIs, maging ang mga persons under monitoring (PUM)
  • mga bulnerableng sektor ng ating lipunan (kasama ang mga matatanda)

Bukod diyan, dapat libre raw ang serbisyo ng pagpapatest sa malawak na saklaw.

"Dahil limitado pa sa ngayon ang bilang ng testing kits, nararapat lang ito ay para sa higit na nangangailangan, at hindi may mauuna dahil sa kapangyarihan," sabi ng militateng party-list ngayong araw.

"Kung nagagamit man ang posisyon para testing, ito ay mariing paglabag sa katungkulan na maglingkod sa mamamayan."

Bagama't mainam daw ang social distancing at community quarantine, mas kailangan daw na tambalan ito ng national testing program "para epektibong makontrol at maiwasan ang paglaganap ng virus."

Bago ang Kabataan, nanawagan na rin ng libreng mass testing ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Suportado rin ni Hontiveros ang mungkahing mass testing, kaalinsabay ng dagdag na:

  • health facilities
  • personal protective equipment (PPE) para sa health workers
  • suporta sa health workers at LGUs
  • cash assistance at subsidyo sa pagkain
  • hazard pay sa mga nagtratrabaho sa ngayon
  • kabuuang health strategy

Tutol naman ang senadora sa itinutulak na "emergency powers" para kay Dutete, na magbibigay sa kanya ng kapangyarihan na maglipat ng pondong nailaan na sa national budget at pagkontrol sa ilang negosyo na hawak ng pribadong sektor.

Kamakailan lang ng makakuha ng karagdagang 100,000 testing kits ang Pilipinas mula sa South Korea, Tsina at Brunei na dadagdag sa kasalukuyang bilang ng kits.

Sa kabila nito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pa pwedeng magsagawa ng mass testing maging sa mga asymptomatic. Aniya, kinakailangan pa rin itong matalinong igugol sa nangangailangan.

"Anong ibig sabihin mo kapag sinabing mass testing? Sa huli't huli, bilang ng test kits ang magtatakda kung ilan ang pwedeng i-test," sabi ni Duque noong Linggo.

DEPARTMENT OF HEALTH

GOVERNMENT OFFICIALS

KABATAAN PARTY-LIST

MASS TESTING

NOVEL CORONAVIRUS

RISA HONTIVEROS

VIP TREATMENT

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with