MANILA, Philippines — Umabot na sa 530 kawani ng University of Santo Tomas (UST) hospital ang inilagay muna sa quarantine habang patuloy ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, Linggo.
Kabilang sa kanila ang mga consultant, fellow, nurse at mga aides na na-expose sa ilang pasyenteng mayroon o pinaghihinalaang may COVID-19, ayon sa ulat ng The Varsitarian, opisyal na pahayagan ng UST.
Biyernes pa lang nang ianunsyo ng ospital na ireregula muna nila ang pagtanggap ng mga pasyente, maliban sa pagpapaliban ng ilang "elective procedures" sa mga piling unit dahil nabawasan ang kanilang workforce.
Tuloy-tuloy daw kasi sa ngaon ang pagbuhos ng mga pasyenteng nagtutungo sa UST Hospital.
"Para matugunan ang mga isyung dulot ng natapyasang kawani, ipinagsama-sama na namin ang iba't ibang wards sa Private at Clinical Division, pansamantalang nagpatupad ng 'elective admissions' at kailangan munang itigil ang mga elective procedures sa ilang unit," sabi ng ospital sa isang pahayag sa Inggles.
Tinukoy na ang Clinical Division Ward ng ospital bilang COVID Unit para sa mga positibo sa virus at mga patients under investigation (PUI).
Ika-17 ng Marso nang pauwiin ng UST Hospital ang isang COVID-19 patient batay sa discharge criteria na itinakda ng Department of Health.
Tiniyak naman ng pamunuan ng pagamutan na patuloy nilang tututukan ang sitwasyon at regular na maglalabas ng mga pabatid.
'Maging tapat kapag tine-test'
Kasalukuyang nasa 380 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, habang 25 na ang sinasabing namatay sa sakit.
Sa kabila nito, nadagdagan naman ang gumaling na ngayo'y nasa 17 na, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health.
"Ang pinakamatandang nag-recover ay 73 years old, at ang pinakabata naman ay 23 years old," paliwanag ni Health Assistant Secreatary Maria Rosario Vergeire.
Hindi pa naman daw lahat masusuri sa ngayon, ayon kay Vergeire.
Tanging ite-test ay ang mga sumusunod na PUIs:
- may mga sintomas na merong hypertension, diabetes, sakit sa puso at iba pang sakit na nakakapagpahina ng resistensya
- senior citizens
- mga buntis
- mga nanggaling sa ibang bansa
- nakasalamuha ng COVID-19 positive cases
Patuloy naman nakiusap ang DOH sa lahat ng susuriin para sa COVID-19 na sumagot nang tapat tungkol sa mga hinihinging impormasyon sa kanila.
"Huwag na po nating ilihim ang ating mga aktibidad, lalong-lalo po ang mga biyahe, at exposure sa COVID-19 positive patient," dagdag ni Vergeire.
"Ang inyo pong tapat na sagot ay makapagliligtas ng buhay."
Sa pinakahuling situation report ng World Health Organization, umabot na sa 266,073 ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, habang 11,184 na ang namamatay.
Ilang araw pa lang nang ideklara nang "pandemic" ang pandaigdigang sitwasyon hinggil sa pagkalat nito.