MANILA, Philippines —(Update 2, 4:58 p.m.) Iminumungkahi na ng Palasyo sa Konggreso na mabigyan ng "special powers" ang Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pagsusumikap na mapigilan ang lalong pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Linggo nang ibalita ng Department of Health na umabot na sa 380 ang namamatay sanhi ng virus habang 25 na ang namamatay.
Sa ngayon, nasa 17 na ang gumagaling sa sakit, ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire.
"Sa kabila ng pagsusumikap ng gobyerno, patuloy na lumalaki at inaasahang lalaki pa ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, tulad ng ibang iba pang bahagi ng mundo, na dumudulo sa kagipitang may pambansang epekto," sabi ng panukala.
Sa proposed bill ng Malacañang na ipinadala sa Senado, hinihiling din na maideklara na ang pagkakaroon ng "national emergency."
Pumutok ang naturang balita matapos makakuha ng ABS-CBN News ng kopya ng naturang dokumento.
Basahin ito rito:
Sa panukala, papayagan si Duterte na:
- kunin muna ang operasyon ng mga pribadong public utility o negosyong apektado, gaya ng mga hotel, pampublikong transportasyon at telecommunication entities
- bumili ng testing kits, umupa ng mga ari-arian at magtayo ng mga pansamantalang medical facilities kahit na hindi dumadaan sa mga procurement rules
- oobligahin ang mga negosyong gawing prayoridad ang mga kontrata para sa mga materyales, serbisyo laban sa nasabing sakit
- ireregula rin ng panukala ang pampubliko at pribadong transportasyon at trapiko pati na ang pamamahagi ng kuryente, panggatong at tubig para matiyak ang sapat na suplay. Meron ding probisyon patungkol sa paglilipat ng mga pondo.
- atbp.
Inaasahang tatalakayin ang panukala sa Lunes sa special congressional session na ipinatawag ng pangulo. Sinertipikahan na rin bilang "urgent" ang bill.
Kinumpirma naman na raw ni Senate President Vicente Sotto III ang nasabing papel ngunit hindi pa rin naman daw ito pinal.
"Ipinadadala namin ang Presidential Proclamation No. 933, na nagpapatawag ng special session para bigyan ng kaukulang kapangyarihan ang pangulo para agad makatugon sa Coronavirus Disease (COVID-19) national emergency, alinsunod sa mga probisyon ng Section 15, Article VI ng 1987 Constitution," sabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa isang liham kay Sotto sa Inggles.
Antabayanan ang mga detalye sa balitang ito.