130 palaboy sa Maynila dinampot sa kalsada 'bilang proteksyon' sa COVID-19
MANILA, Philippines — Umabot na sa 130 ang na-rescue mula sa mararahas na kalsada ng kabisera ng bansa sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, ayon pinakahuling ulat ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Pasado 7 a.m., Biyernes, nang muling lumapit ang mga kawani ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa mga street dwellers, pamilya, bata't matatandang walang matuluyan habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Ilan sa mga nilapitan ay mula sa Ermita, Malate, Kalaw, Pedro Gil, Taft, Roxas Blvd., Service Road at Baywalk, ayon na rin sa utos ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.
Kasalukuyang nasa Delpan Sports Complex ang mga nabanggit habang inaasikaso ng mga social workers, ayon kay MDSW chief Re Fugoso.
Sa naturang bilang, anim ang menor de edad, 107 ang nasa wastong gulang habang 17 naman ang senior citizens.
LOOK: As of posting, about 130 street dwellers are sheltered at the Delpan Sports Complex amid the enhanced community quarantine period.
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) March 20, 2020
Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso says they're being served breakfast, lunch and dinner.#AlertoManileno #COVID19PH pic.twitter.com/ZDx7XYDTVh
Hindi rin daw problema sa ngayon ang pagkain ng mga nabanggit.
Ayon kay Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office, P30,000 ang budget ng local government unit para sa pagkain at hygiene, labas sa gastusin sa manpower at utilities.
"Hinahainan sila ng almusal, tanghalian at hapunan. Pinananatili po rin natin ang social distancing hangga't kaya," ani Leonen sa Inggles.
Idiniretso na rin daw sa Delpan Sports Complex ang iba pang nalikom na donasyon ng Manila City government.
Kabilang dito ang:
- 120 packed lunch
- 160 packs ng hygiene kits
- 100 tulugan at unan
- 5 sako ng munggo
- 500 buko
Samantala, 300 cakes naman mula sa SM Foundation ang ipamumudmod sa iba't ibang komunidad.
'Hindi pwersahan'
Klinaro naman ng MPIO na hindi sapilitan ang ginawa nilang pagdampot sa mga pamilya sa kalsada: "Hindi pwedeng pwersahin," sabi ni Leonen.
Aniya, ibinabalita raw kasi ng ilang news outlets ang isang viral video kung saan kinukuha ang isang lalaki.
"Akala niya ikukulong siya kaya ganoon ang reaction niya," dagdag ni ng MPIO chief.
Ipinag-utos naman ni Fugoso sa mga social workers na dapat ipinaliliwanag nang husto sa mga palaboy kung bakit sila kinukuha mula sa mga lansangan.
"Nasa amin pa siya ngayon, well taken cared of... homeless talaga siya," dagdag ni Fugoso.
Mahigpit na ipinatutupad ang home quarantine sa mga residente sa buong Luzon kasunod ng enhanced community quarantine na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Suspendido pa rin ang lahat ng uri ng pampublikong transportasyon kaugnay niyan, bilang pagsusumikap ng gobyerno upang hindi na kumalat pa ang COVID-19.
Umabot na sa 230 ang tinatamaan ng nakamamatay na sakit sa Pilipinas, kung saan 18 na ang namamatay.
- Latest