Matapos ang 3 pang nasawi, tinamaan ng COVID-19 202 na sa Pilipinas

Nakapila ang mga commuter na ito sa SM Fairview, Quezon City habang tinitignan ang kanilang temperatura bago sumakay sa libreng sakay ng gobyerno.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines (Update 2, 06:36 p.m.) — Muling nadagdagan ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health, Miyerkules.

Umabot na ito sa 202 matapos maitala ang 15 bagong kaso, na mas marami ng anim kaysa sa 187 kahapon.

Bukod pa riyan, 17 na ang namamatay sa COVID-19 matapos madagdagan ng tatlo pa, sabi ng DOH.
 
Sinasabing nagmula sa Lanao del Sur ang ika-15 fatality (patient 201), na may kasaysayan ng pagbisita sa Malaysia.

Dinala ang nasabing pasyente sa Amai Pakpak Medical Center sa Lungsod ng Marawi noong ika-10 ng Marso at namatay noong Martes, isang araw bago nakumpirmang may COVID-19 siya.

Sinasabing namatay siya dahil sa "acute respiratory disease syndrome secondary to COVID-19. Meron na rin siyang diabetes mellitus noon.

Natuklsan naman na nanggaling sa United Kingsom ang ika-16 namatay, na isang 65-anyos na lalaki mula sa Lungsod ng Pasig.

Dinala naman siya sa The Medical City sa Ortigas noong ika-10 ng marso at pumanaw Martes ng gabi dulot ng "ARDS secondary to COVID-19" at pneumonia. Meron na rin siyang hypertension at diabetes mellitus noon.

Yumao na rin ang 86-anyos na babae mula sa Lungsod ng San Juan. 'Di tulad ng naunang dalawa sa taas, wala siyang travel history nitong mga nagdaang panahon at walang nakasalamuhang COVID-19 patient.

Binawian naman siya ng buhay noong Martes dahil sa "septic shock secondary to pneumonia-high risk secondary to COVID-19."

Bago magka-COVID-19, meron nang chronic kidney disease secondary to hypertensive nephrosclerosis, ischemic heart disease at peripheral arterial occlusive disease ang babae.

Mas delikado ang naturang virus sa mga may edad na at mga dati nang may kondisyon sa kalusugan.

Mga gumaling

Samantala, tumataas din naman ang bilang ng mga gumagaling sa sakit matapos madagdagan ng tatlo, dahilan para umabot na ito sa pito.

Kabilang diyan ang 24-anyos na Pinoy mula sa Makati. Dalawang beses na siyang nagnenegatibo sa sakit at pinauwi na noong Linggo.

Isa pang pinauwing Pilipino lulan ng Diamond Princess cruise ship ang nag-recover. Kinumpirma ng Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital ang dalawang-beses na pagnegatibo sa sakit ng 36-anyos na tubong Camarines Sur.

Isang 34 taong gulang na lalaki naman mula sa Lungsod ng Quezon ang ikapitong matagumpay na nag-recover sa COVID-19 sa bansa.

Isang beses na siyang nagnegatibo sa tests habang hinihintay na lamang ang resulta ng ikalawa. Pinalabas na siya mulka sa Makati Medical Center noong Linggo.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng sakit sa Pilipinas, nagdeklara na si Pangulong Rodrigo Duterte ng state of public health emergency, Code Red Sublevel 2, Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon at anim na buwang state of calamity sa buong bansa si Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito, hindi basta-basta maaaring lumabas ng bahay ang mga taga-Luzon, suspendido ang mga transportasyon, ireregulate ang pamimigay ng pagkain at health services at pinatindi ang presensya ng pulis at militar.

Tanging ang mga kumukuha ng pang-araw-araw na pangangailangan ang maaaring lumabas, kasama ng ilang BPO workers na nagtratrabaho atbp. 

Ayon sa pinakahuling ulat ng World Health Organization, 179,112 na ang tinatamaan ng sakit habang 7,426 na ang namamatay sa COVID-19 sa buong mundo.

Show comments