MANILA, Philippines — Kinumpirma mismo ng alkalde ng Baliuag, Bulacan na nagpositibo siya sa kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19), Martes ng hapon.
Sa isang emosyonal na Facebook post kanina, inilahat ni Baliuag Mayor Ferdie Estrella ang kasalukuyang estado ng kalusugan.
"Nais kong personal na ipabatid sa inyo, na ang inyong Punong Bayan ay nag-positibo sa Covid19, batay sa resulta ng pagsusuring inilabas ng [Research Institute for Tropical Medicine] ngayong araw," ani Estrella.
Noong nakaraang linggo raw nang makaranas si Estrella ng panghihina ng kawan, kasama ng sipon, na ilan sa mga tinitignan sintomas ng COVID-19.
Umabot na sa 187 ang bilang ng mga tinatamaan nito sa Pilipinas simula nang mapasok ng virus ang Pilipinas, habang 12 pa rin ang patay dahil sa COVID-19.
Tinatayang nasa apat na pasyenteng tinamaan ng COVID-19 ang nagmula sa probinsya ng Bulacan.
Diin pa ni Estrella, agad niya itong sinabi dahil "deserve" itong malaman ng kanyang mga nasasakupan.
Sa kabila ng kanyang sitwasyon, siniguro naman niyang inoobserbahan pa rin niya ang mga kaganapan sa kanyang bayan.
"I may not be physically present at the moment, but rest assured that you have a working government," dagdag niya.
Ipinag-utos na rin ni Estrella ang pamamahagi ng 70% Isopropyl Alcohol sa 10,000 mahihirap na pamilya sa Baliuag, na siyang maaaring magamit kontra sa COVID-19.
Kampante naman siyang mapangangasiwaan nang maayos ni Baliuag Vice Mayor Cris Clemente at ng Sangguniang Bayan ang Task Force Covid19, na mangunguna sa paghahandog ng mga serbisyo habang siya'y wala. — James Relativo