Tinamaan ng COVID-19 umakyat sa 187 sa Pilipinas

Ito ay matapos madagdagan ng 45 katao ang mga nagpositibo, ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Umabot na sa 187 ang bilang ng mga nahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa Department of Health, Martes.

Ito ay matapos madagdagan ng 45 katao ang mga nagpositibo.

Hindi pa rin naman nagbabago ang bilang ng mga namamatay sa COVID-19 sa bansa, na nananatili sa 12 hanggang sa ngayon.

Kahapon lang nang madagdagan ng dalawa pa ang may COVID-19 kahapon.

Narito ang kabuuang listahan ang 187 kaso sa ngayon:

Lumobo ang mga kumpirmadong kaso matapos maging epektibo ang Luzon-wide "enhanced community quarantine" ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito, pinagbabawalan ang mga tao na lumabas sa kani-kanilang bahay, maliban na lang kung kukuha ng mga batayang pangangailangan katulad ng pagkain o gamot.

Tatagal nang hanggang Abril ang pagbabawal sa mga pampublikong sasakyang gaya ng tren, bus, jeep at mga tricycle.

Mga nag-recover

Naitala na rin ang ikaapat na gumaling mula sa sakit sa bansa, na isang 31-anyos na lalaki mula sa Negros Occidental.

Isa ang nasabing lalaki sa mga inuwi ng Pilipinas mula sa Diamond Princess cruise ship, kung saan marami ang tinamaan ng kinatatakutang sakit.

Tinatayang mapalalabas na siya ngayong araw matapos kumpirmahin ng Jose N. Lingad Memorial Regional Hospital na dalawang beses na siyang nagnegatibo sa COVID-19.

Sa huling situation report ng World Health Organization, sinasabing nasa 167,511 na ang nagpopositibo sa sakit, kabilang ang 6,606 na nasawi.

Tinatayang nasa 151 bansa na ang sinasalanta ngayon ng virus. — James Relativo may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico at News5

Show comments