DOH: May 'sustained community transmission' na ng COVID-19 sa Pilipinas

Nakasuot ng full transparent face mask ang ilang manggagawang pangkalusugan ng sa McArthur Highway boundery ng Valenzuela-Bulacan habang ipinatutupad ang "community quarantine" noong ika-15 ng Marso.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Kinumrpirma ng Department of Health, Martes, na meron nang "sustained community transmission" ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.

Sa panayam ng "Balitanghali," sinabi ni Health Assistant Secretary Ma. Rosario Vergeire na mahirap nang pag-ugnay-ugnayin ang mga kaso at halos wala nang relasyon sa isa't isa.

"['Y]ung ibang mga kaso, wala na siyang relasyon sa ibang kaso [ng COVID-19]," banggit ni Vergeire.

"Kailangan na nating malaman kung saan nanggaling, o 'yung index case, nitong mga kasong ito. So kapag ganito na po ang itsura ng ating sitwasyon, we already have sustained community transmission."

Aniya, marami sa mga kaso ang wala man lang kasaysayan ng pagpunta sa ibang bansang tinamaan ng COVID-19, na kumakatawan na raw sa halos 40% ng mga kaso.

Marami rin ang walang "history of epidemiologic link or exposure sa ibang taong may positive case."

Dagdag pa ng DOH, nakikita na rin daw nila ang "clustering" habang inaaral ang pagkalat ng sakit.

"'Yung clustering po, meron pong isang, nahawaan niya ang kanyang asawa, o kaya ang kanyang anak, o kaya ang kanyang kapatid, kaopisina. So nakakakita na ho tayo ng clustering," ani Vergeire.

Kasalukuyang nasa 142 ang positibong kaso sa Pilipinas habang 12 na ang namamatay.

Tinatamaan madalas nagtratrabaho

Sa pagsusuri pa ng DOH, sinasabing kalimitang tinatamaan ng sakit ang mga nagtratrabaho na (working age group), na nasa 29 hanggang 59 taong gulang. 

Sa mga sumasama ang pakiramdam na may COVID-19, 30% hanggang 35% naman ang sinasabing nakararanas ng "mild" na sintomas.

Samantala, tanging 9% lang daw ang sinasabing may malubha (severe) at kritikal na sintomas.

Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na irerekomenda nila ang isang "community lockdown" o "community quarantine" oras na pumasok na sa sustained community transmission ang pagkalat ng sakit.

Huwebes nang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "community quarantine" ng buong Metro Manila, habang Lunes nang sabihin niyang ilalagay sa "enhanced community quarantine" ang buong Luzon.

Dahil dito, mahigpit na pinagbabawalan ang mga tao sa buong kapuluan na lumabas sa bahay, sinuspindi ang transportasyon, nireregula ang pamimigay ng pagkain at health services habang mas laganap na ang mga kapulisan at militar sa kalsada.

Show comments