MANILA, Philippines — Tuluyan nang isasara ang lahat ng shopping malls sa buong Metro Manila hanggang Abril 14 o hanggang sa matapos ang community quarantine ng buong National Capital Region.
Ito ang ipinadalang mensahe ni Trade Secretary Ramon Lopez sa mga reporters sa pamamagitan ng Viber message.
Ayon kay Lopez, magpapalabas ang DTI ng isang memorandum circular para sa pagsasara ng lahat ng mga malls upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 o novel coronavirus disease 2019.
Gayunman, hindi pa man lumalabas ang memorandum, ilang malls na ang nagpahayag sa social media ng pansamantalang pagtigil ng kanilang operasyon para maprotektahan din ang kanilang mga empleyado.
Kabilang dito ang Ayala Malls na sinimulan ang pansamantalang pagsasara kahapon.
Halos ganito rin ang naging pahayag ng Vista Malls bilang pagsunod sa alintuntunin ng gobyerno tungkol sa community quarantine.
Simula rin kahapon ay sarado na ang SM Mall of Asia at iba pang branch ng SM sa Metro Manila.
Sinabi ni Lopez na papayagan lamang ang operasyon ng mga establisimentong katulad ng botika, health clinic, bangko at supermarkets.
Samantala, inaasahan ang pagbibigay ng bagong kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas ng hapon pagkatapos ng meeting sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases.
Kaugnay pa nito, sumunod na rin sa Metro Manila sa pagpapataw ng isang buwang community quarantine ang 17 pamahalaang lokal sa walong lalawigan.
Kabilang sa isinailalim sa community o limited quarantine ang mga lalawigan ng Antique, Batanes, Bohol, Capiz, Cebu, Iloilo, Oriental Mindoro at Siargao Islands; lunsod ng Borongan, Davao, Iloilo, Ormoc, Puerto Princesa and Zamboanga; at bayan ng Coron at El Nido sa Palawan at Nasipit sa Agusan del Norte.
Nagbabala si Interior Secretary Eduardo Año sa isang Viber message na 10,000 katao ang maaapektuhan kapag hindi napigil ang pagkalat ng novel coronavirus 2019 o COVID-19.