MANILA, Philippines — Hindi na kukuha ng fourth quarter examinations ang mga estudyante sa Metro Manila na suspendido ang klase mula ika-16 hanggang ika-20 ng Marso, sabi ng Department of Education, Lunes.
Ayon sa DepEd Memorandum 042 s. 2020, sasaklawin nito ang lahat ng elementary at high school students sa pampubliko't pribadong mga paaralan.
Imbis na pagsusulit, gagamit na lang ng "grading formula" para kwentahin ang pinal na grado sa last quarter ng school year, sabi ng DepEd memorandum.
Itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Code Red Sublevel 2 dahil sa coronavirus disease (COVID-19), habang isinailalim naman sa "community quarantine" ang buong National Capital Region mula ika-15 ng Marso hanggang ika-14 ng Abril.
Dahil sa quarantine, maghihigpit sa paglabas-masok sa Metro Manila. Sinuspindi rin ang mga klase hanggang ika-12 ng Abril.
Susundin pa rin naman daw ng mga nasabing eskwelahan ang "Policy Guidelines on Classroom Assessment for the K to 12 Basic Education Program" para sa grado ng ikaapat na kwarto.
Ibabatay naman ang grading formula sa class standing na magmumula sa mga written works at performance tasks.
"Kung may mga karagdagan pang academic requirements, itatalaga na lang ang mga 'yon bilang takdang-aralin [na gagawin sa bahay]," paglilinaw ng DepEd sa Inggles.
Paano ang mga graduation?
Samantala, ipatutupad pa rin naman daw ang "social distancing" sa mga moving up, pagtatapos at recognition rites na isasagawa sa mga eskwelahan mula ika-13 hanggang ika-17 ng Abril.
Tumutukoy ang social distancing sa pag-iwas sa mga mataong lugar, pag-"beso-beso," pagyakap at paghalik. Itinatakda rin nito ang isang metro (three feet) paglayo sa sinumang umuubo at bumabahing. Ilan ang mga 'yan sa mga itinuturong sintomas ng COVID-19.
Maaari namang piliin ng mga eskwelahan, matapos makipagkonsulta sa Parents-Teachers Association, na ipagpaliban o huwag nang idaos ang mga nasabing aktibidad "kung mahahadlangan ng sitwasyong pangkalusugan ang pagsasagawa ng mga nasabing rites sa panahong iyon." — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag