Mga sundalo ipinakalat na sa Metro Manila vs COVID-19

Ayon kay Brig. Gen. Alex Luna, commander ng Joint Task Force National Capital Region, nasa 2,500 sundalo ang itinalaga sa mga checkpoints upang tuluy-tuloy ang inspeksyon sa mga nagbibiyahe.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nakakalat na ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines sa iba’t ibang checkpoints na kinabibilangan ng NLEX, SLEX, Cavitex, Ortigas patungong Cainta, at MacArthur Highway papuntang CAMANAVA na tutulong sa mga pulis na magsasagawa ng inspeksiyon para mapigilang makapasok at makalabas ang mga biyahero sa Metro Manila.

Ayon kay Brig. Gen. Alex Luna, commander ng Joint Task Force National Capital Region (JTF-NCR), nasa 2,500 sundalo ang itinalaga sa mga checkpoints upang tuluy-tuloy ang inspeksyon sa mga nagbibiyahe.

Pinaalalahanan niya ang kanyang mga tauhan na hindi tao o sibilyan ang kanilang masasagupa kundi isang sakit.

Ang Philippine Navy ay aayuda sa mga pulis na nakatalaga sa sea lanes at seaports, habang ang Air Force ay tutulong sa airports at helipads, at ang Army ay nakaantabay sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Iinspeksiyunin ang lahat ng mga pasahero ng bus gamit ang thermal scanners upang agad na ma-check ang temperature ng mga pasahero.

Sinumang hindi awtorisado na magbiyahe papasok ng MM ay pababain at pauuwiin habang susunduin ng ambulansiya ang mga may sakit at dadalhin sa ospital.

Nilinaw ni Luna na hindi pag-aresto ang gagawin sa mga silbiyan kundi pagpigil lamang sa kanila.

Show comments