MANILA, Philippines — Sapat ang suplay ng pagkain para sa 13 milyong mamamayan sa Metro Manila kaya walang dahilan para mag-panic buying.
Sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, tiniyak ni Trade Secretary Ramon Lopez na hindi mapuputol ang suplay ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan kahit pa nasa ilalim ng quarantine ang buong Metro Manila.
Tiniyak din ni Lopez na bukas ang mga malls, mga bangko, mga pamilihan at iba pang business establishments sa MM sa loob ng quarantine period.
Hinihikayat din nila na magkaroon ng flexible work arrangement lalo na sa mga opisina.
Mayroon naman aniyang teknolohiya kaya maaaring magtrabaho ang isang empleyado kahit sa loob ng tahanan upang maiwasan ang paglabas.
Papayagan ding pumasok sa Metro Manila ang mga sasakyan na may dalang cargo at puwedeng silang makalabas kung makakapagpakita ng delivery receipt.
Tiniyak din ni Lopez na hindi tataas ang presyo ng mga bilihin sa susunod na 60 araw matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang public health emergency.