Misa sa simbahan kanselado
MANILA, Philippines — Isang linggong kinansela ng Archdiocese of Manila ang banal na misa ng kanilang mga simbahan bilang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga mananampalataya at mga taong simbahan sa COVID-19.
Sa pastoral letter na inilabas ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, sinabi niyang kanselado ang mga Banal na Misa sa buong arkidiyosesis mula Marso 14-20 para sa kaligtasang pangkalusugan ng mamamayan.
Bilang kapalit ng misa, magsasagawa ang mga simbahan sa ilalim ng Archdiocese of Manila ng sabayang pagpapatunog ng kanilang mga kampana tuwing alas-12 ng tanghali at alas-8 ng gabi upang ipanawagan sa publiko na magdasal ng “Oratio Imperata” bilang panawagan sa paglaban sa virus.
Naniniwala ang simbahan na ang taimtim na panalangin sa Panginoon ay mas magpapalapit sa Kaniya at ilalayo naman ang mananampalataya sa naturang sakit.
Tugon rin ito ng Simbahan sa panawagan ng Department of Health (DOH) sa pag-iwas sa mga pagtitipon ng maraming bilang ng tao.
Bukod sa misa ay kanselado rin ang iba pang pampublikong aktibidad ng simbahan sa buong linggo.
- Latest