MANILA, Philippines — Ipagbabawal muna ang mga pampublikong misa sa Arsodiyosesis ng Maynila matapos itaas ang "Code Red Sublevel 2" upang maiwasan ang lalong pagkalat ng nakamamatay na coronavirus diease (COVID-19).
Ang anunsyo ay inilabas ni Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Maynila, Biyernes.
"Wala munang idaraos na Banal na Misa at iba pang pampublikong aktibidad sa lahat ng simbahan ng Archdiocese sa loob ng pitong araw simula Sabado," ani Pabillo sa Inggles.
Magsisimula at magtatapos ang nasabing suspensyon mula ika-14 hanggang ika-ika-20 ng Marso.
In the Archdiocese of Manila, no masses from March 14-20, 2020.?@PhilippineStar? pic.twitter.com/fb5iuVZlNt
— evelynzmacairan (@EZMacairan) March 13, 2020
Bagama't maaari raw itong makaapekto sa mga mananampalataya't kaparian, nakiusap silang kailangan itong gawin bilang bahagi ng kanilang sakripisyo "para sa ikabubuti ng lahat."
Kagabi lang nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "community quarantine" sa kabuuan ng Metro Manila, na maglilimita sa kilos ng mga residente sa loob at labas ng National Capital Region.
Kasama sa naturang kautusan, na maaaring idaan sa isang executive order, ang pagbabawal sa mga planado at ispontanyong "mass gatherings" na maaaring umakit sa maraming tao.
Hindi muna maglulunsad ng malawakang "Kumpisalang Bayan" bilang pagtalima sa utos na 'yan, ngunit papayagan pa rin ang isa-isang pangungumpisal.
"Ilalabas ang mga karagdagang tagubilin sa mga susunod na araw," dagdag pa ni Pabillo.
Umabot na sa lima ang namamatay mula sa 52 kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ayon sa Department of Health kagabi.
Pagbabawalan na rin ang ilang domestic na pagbyahe palabas at papasok ng Kamaynilaan simula Linggo dahil sa utos ni Digong.
Pagsamba tuloy
Bagama't wala munang misa sa naturang kalipunan ng mga parokya, marami pa naman daw ibang paraan upang lumapit sa Diyos sa mga susunod na araw.
Ilan sa mga ilang gagawin at maaaring gawin ng kanilang mga nasasakupan ang sumusunod:
- pagdarasal ng "Oratio Imperata" tuwing alas-otso ng gabi (kasabay ng pagpapatunog ng kampana sa lahat ng kanilang simbahan)
- pagdarasal ng rosaryo
- pagbabasa ng Banal na Bibliya
- pakikinig ng Radio Veritas 846 at TV Maria para sa mga regular na misa at religious avtivities
- panonood livestreaming ng misa ng Quiapo Church at iba pang mga parokya
"Ang mataimtim na panalangin ng mga anak ng Diyos ay magbubuklod sa atin lalo papalayo sa sakit na ito," dagdag pa ng bukas na liham.
Pananatilihing bukas sa lahat ng oras ang mga simbahan upang makapagdasal ang mga manananampalataya kontra sa COVID-19 scare.
Magkakaroon naman ng mga hand sanitizers sa mga tarangkahan ng mga bahay-sambahan at ipinag-utos na rin ang masinop na paglilinis doon. — may mga ulat mula kay The STAR/Evelyn Macairan