MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government na hindi pa inuutos ng pamahalaan ang pagbabawal sa pagpasok at paglabas sa ilang parte ng Kamaynilaan bilang tugon sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
"[P]lease be advised that the PNP has not issued any order for a lockdown in the NCR," sabi ni PNP spokesperson Benigno Durana sa ulat ng DWIZ.
Kumakalat kasi ngayon ang isang "conference notice" ng PNP kaugnay ng diumano'y lockdown na ipapatupad sa iba't ibang sulok ng Metro Manila.
Sa papel, sinasabing pag-uusapan ng mga kinatawan ng PNP, Joint Task Force-National Capital Region, National Disaster Risk Reduction and Management Council at Department of Health ang "lockdown in certain areas in NCR relative to CoViD-19."
Pero paliwanag ni DILG spokesperson Jonathan Malaya, contingency planning lang ang nangyari sa nasabing meeting.
"Ang ibig sabihin, naghahanda lang sila if they are going to be ordered [na magpatupad ng lockdown]," sabi ng tagapagsalita ng ahensya, na nangangasiwa sa PNP.
Napagalitan pa raw ni Malaya ang nagpangalan sa memorandum lalo na't nakalilikha raw ito ng takot hindi akma sa layunin ng pulong: "Kailangan contingency planning, or preparations for a possible... Kailangan ganoon ang title."
Pahayag ng DILG Sa memo ng PNP na kumakalat sa social media ukol sa umanoy 'lockdown' sa ilang parte ng Metro Manila. @News5AKSYON pic.twitter.com/nUuRT00jup
— Ryan Ang (@ryanangnews5) March 12, 2020
Una nang sinabi ni Malaya na tanging ang Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang maaaring mag-anunsyo ng lockdown sa huli't huli upang ma-contain ang nakamamatay na sakit.
Oras na maideklara ito sa ilang lugar, pagbabawalan ang paglabas-masok ng mga tao gaya ng ginagawa sa Tsina at Italya.
Kasalukuyang nasa 49 na ang tinatamaan ng sakit sa Pilipinas habang dalawa na sa kanila ang namamatay.
Kahapon lang nang ideklarang "pandemic" ng World Health Organization ang kalagayan pagdating sa pag-contain ng sakit, lalo na't 118,000 na ang kumpirmadong tinamaan nito sa buong mundo — na kalat-kalat sa 114 bansa.
Sa bilang na 'yan, sinasabing 4,291 na ang namamatay. — may mga ulat mula sa News5