Turismo, negosyo bumabagsak na sa COVID-19
MANILA, Philippines — Naalarma si House Speaker Alan Peter Cayetano sa malaking epekto sa turismo at negosyo ng COVID-19.
Sinabi ni Cayetano na dahil sa takot sa COVID-19 ay may mga lugar na kaunti na lamang ang pumupunta sa mga restaurant.
Base sa tala ng Department of Health (DOH), 49 na ang naitalang kaso ng mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 matapos na madagdag sa rekord ang 16 pang kaso kabilang ang isang doktor sa Quezon City.
Ayon kay Cayetano, dalawang aspeto ang kinakaharap ng pamahalaan sa pagkalat ng COVID-19 una ay kung paano matutugunan ang proteksyon sa kalusugan at ikalawa ay sa aspeto ng matinding epekto nito sa turismo.
“So Congress will be working despite the break in the next five weeks. The Majority Leader has assured me that the committees will continue to function but we want to do it executive-legislative,” sabi ni Speaker.
Nabatid na kapag sa isang establisimyento ay may nagpositibo sa COVID-19 kung saan nag-ikot ang isang may taglay ng karamdaman ay umiiwas na ang mga tao na magtungo rin sa lugar.
Kapansin-pansin din na humina ang negosyo sa Chinese community kabilang sa Binondo at mga restaurant ng mga ito dahil sa takot sa COVID-19.
Base sa pakikipanayam sa mga Grab driver, natatakot silang magsakay ng mga pasahero lalo na at Chinese ang mga ito sa takot na mahawa at makaapekto ito hindi lamang sa kanilang kalusugan kundi maging sa kanilang mga pamilya lalo na sa kanilang mga anak.
- Latest