DOH: Coronavirus cases 49 na; Infections nadagdagan ng 16
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health, Miyerkules, ang muling pagdami ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Meron kasing karagdagang 16 kaso sa bansa, dahilan para tumuntong ang bilang sa 49.
Ang balita ay kinumpirma ni Health Assistant Secretary Ma. Rosario Vergeire sa isang press briefing.
Sa kabila ng tuloy-tuloy na pagsirit ng mga confirmed cases, tiniyak ni Vergeire sa public na dumarami ito dahil sa "mas mahigpit na pagmamanman" ng DOH.
Nililikom pa ang mga impormasyon sa mga bagong pasyente, ngunit anim daw sa kanila ay mga dayuhan.
"Wala akong mga pangalan ngunit meron po akong gender and age," wika pa niya.
Posibilidad ng 'community transition'
Samantala, sinabi naman ni DOH Secretary Francisco Duque III na posibleng humarap ang bansa sa "community transmission" ng sakit.
"Ang meron tayo ngayon ay localized transmission sa mga lugar na una nating nabanggit. Pero pwede itong maging 'community transmission' sa mabilis na panahon," sabi ng kalihim sa pagdinig ng Kamara kanina.
"Paulit-ulit ko nang sinasabi na pwede talaga itong mangyari sa maiksing panahon."
Oras na ganito na ang antas ng hawaan, maaaring mas malaki na raw ang ginagalawang lugar ng sakit sa mga komunidad.
Kahapon lang nang sabihin ni Duque na maaaring magpatupad ng "lockdown" sa iba't ibang lugar oras na magkaroon ng tuloy-tuloy na human to human community transmission.
Una nang sinabi na pare-parehong nanggaling sa Wuhan, China ang unang tatlong pasyente ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan unang naitala ang sakit.
Pero ngayong "local transmission" na ang nangyayari, naililipat na rin ito sa mga Pilipino sa loob mismo ng bansa.
Sa ngayon, nasa 106,000 na ang tinatamaan ng sakit sa buong mundo. — James Relativo at may mga ulat mula kay Franco Luna
- Latest