DOH pinag-aaralan ang 'localized lockdown' vs COVID-19

Dini-disinfect ng ilang empleyado sa Maynila ang loob ng tren upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), ika-10 ng Marso, 2020.
AFP/Maria Tan

MANILA, Philippines — Tinitignan pa raw ng Department of Health kung panahon nang ideklara ng "lockdown" ang ilang lugar upang mapigilan ang lalong pagkalat ng kinatatakutang coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ito ang naging tugon ni Health Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, Martes, ukol sa supplemental budget ng ahensya para sugpuin ang sakit.

"Batay sa aming objective criteria, tinitignan namin ang posibleng lockdown... Kung meron man. Localized ha, hindi po ito buong [Metro Manila]," sabi ni Duque sa Inggles.

Aniya, kailangan daw munang mag-ingat at maging "rational" ang pagtingin dito ng gobyerno bago ilagay ang buong National Capital Region sa nasabing lockdown: "Kung merong indication, titignan natin." 

"Hindi natin sinasabing hindi kailangan. Pero kailangan pa uli nating tasahin, dahil sa ngayon  localized pa lang tayo," dagdag niya.

Hindi pa naman ikinaklaro ni Duque kung ano ang ibig sabihin ng lokalisadong pagpapatupad nito, pati ang mga detalye kung anong mangyayari oras na ideklara ito. 

Kahapon lang nang imungkahi ni Albay Rep. Joey Salceda na i-lockdown na ang buong Kamaynilaan nang isang linggo, matapos sabihin ni Duque na "premature" o hindi pa napapanahon ang pagdedeklara nito.

Kasalukuyang 24 na ang kumpirmadong kaso ng nakamamatay na sakit sa Pilipinas simula nang makapasok ito sa bansa, isang malaking pagtalon mula sa 10 noong Lunes.

Nasa Code Red Sub-Level 1 ang alert level kaugnay ng sakit, habang kadedeklara lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ng "state of public health emergency" sa buong bansa.

Pebrero nang magpatupad ng lockdown sa ilang bayan ng Italy matapos maitala ang ikalawang death toll kaugnay ng COVID-19.

Enero naman nang ilagay sa effective lockdown ang Wuhan, China, na sinasabing pinagmulan ng sakit.

Rekisitos sa lockdown

Pero kailan nga ba ibababa ang kautusang lockdown sa loob ng bansa dahil sa sakit?

"Kailangan mo, meron kang 'sustained human to human community transmission.' Ang ibig sabihin, nangyayari siya nang sabay-sabay," wika ng kalihim.

Sa panahong iyon, nagkakaron na rin daw ng "clusterings" ang mga localized transmissions at hindi na maiuugnay sa isa't isa ang mga hawaan.

Una nang sinabi ng gobyerno na meron nang localized transmission ng COVID-19 sa Pilipinas, na nangangahulugan na naipapasa na ito sa mga tao na may coronavirus sa loob mismo ng Pilipinas.

Noong nakaraang linggo pa nang sabihin ng DOH na may ilan nang nagpositibo na walang kasaysayan ng paglabas ng Pilipinas nitong mga nagdaang panahon.

Aminado naman si Duque na mahihirapan ang pamahalaan na makontrol ang pagkalat ng virus oras na pumasok na sa "sustained human-to-human community transmission" ang sakit.

"Mahirap nang mai-contain. Oo... Pero gagawin namin ang lahat para mapahupa ito," dagdag pa niya.

Pagpapalawig ng testing

Sa ngayon, tanging ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM), na pinatatakbo ng gobyerno, ang nag-iisang lugar na may kakayahang mag-test kung positibo sa COVID-19 ang isang tao.

Sa panayam ng Philstar.com, sinabi ng kalihim na 200 hanggang 250 lang ang nate-test sa nasabing coronavirus araw-araw, habang 2,000 lang ang testing kits na meron sa ngayon.

Pero pagbabahagi ng DOH, inihahanda na nila ang kapasidad ng lima pang sub-national reference laboratories para mag-test na rin:

  • Baguio General Hospital (northern Luzon)
  • Lung Center (Metro Manila)
  • UP National Institutes of Health (Metro Manila
  • Vicente Sotto Medical Center (Visayas)
  • Southern Philippines Medical Center (Mindanao)

"[A]ng WHO nagpadala ng mga eksperto para tulungan, suriin o i-assess po ang kakayahan ng mga laboratory na ito. At kapag sila'y pumasa roon sa criteria... sila po ay papahintulutan ng ating RITM na magsagawa na po ng testing," saad pa ng DOH secretary.

Show comments