One week Metro Manila 'lockdown' vs COVID-19 itinulak kahit ayaw ng DOH

"Anong pipiliin mo? Gawin mo 'to para hindi mag-viral o aantayin mong mag-viral saka mo gagawin?" sabi ni Salceda.
Edd Gumban/The STAR, File

MANILA, Philippines — Nanggalaiti ang isang mambabatas matapos tumutol ng Department of Health sa mungkahing "lockdown" sa National Capital Region kasunod ng pagdami ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa rehiyon, Lunes.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda sa panayam ng ABS-CBN, napapanahon na ito taliwas sa sinabi ni Health Secretary Francico Duque III na "premature" pa ang panawagan.

"Anong pipiliin mo? Gawin mo 'to para hindi mag-viral o aantayin mong mag-viral saka mo gagawin?" sabi ni Salceda.

Kanina lang nang ianunsyo ng DOH na dumoble ang bilang ng mga positibo sa COVID-19, mula 10 kagabi patungong 20 ngayong araw.

Sa isang press briefing kanina sa Malacañang, sinabi ni Duque na bagama't kasama 'yun sa mga maaaaring protocol, naghihintay pa sila ng "sustained community transmission" bago ito irekomenda.

"'Yun [sustained community transmission] ang magti-trigger ng community lockdown o community quarantine bilang isa sa mga mga interbensyon," dadag ni Duque.

Linggo nang sabihin ni Interior Secretary Eduardo Año na hindi pa kailangan ang lockdown sa ngayon.

Maliban sa lockdown, tinitignan din ng DOH ang class at work suspensions bilang isa sa mga posibleng tugon kung nagkataon.

Pero sa tingin ni Salceda, maling pamamaraan daw ito ng pagharap sa krisis.

"Lilikha ito ng dysfunctional results sa ekonomiya pati na rin sa pamamaraan ng pamumuhay ng karaniwang tao," saad pa ng mambabatas.

Sa datos na inilabas ng Philippine Red Cross kanina, tinatayang nasa 3,840 na ang namamatay sa COVID-19.

Lumalabas din na nasa 110,187 na ang nahahawa ng sakit sa buong mundo, habang 62,095 na ang gumagaling. 

Numero uno sa listahan ng mga tinamaan ang Tsina, na pinagmulan ng sakit, sa bilang na 80,735.

 

Show comments