Dumoble: 20 na ang kaso ng COVID-19, sabi ng DOH
MANILA, Philippines (Update 2, 6:19 p.m.) — Kinumpirma ng Department of Health na sumirit na sa 20 ang kaso ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa isang press briefing, Lunes.
Ang balita ay kinumpirma ni Health Assistant Secretary Ma. Rosario Vergeire ngayong hapon.
"Inuulat ng DOH ang 10 bagong pasyente ng COVID-19. Umakyat na ang kaso sa 20," sabi ni Vergeire sa Inggles.
Linggo ng gabi, bago maghating-gabi kanina, nang banggitin ng DOH na nadagdagan ng apat na kaso ang COVID-19 sa Pilipinas.
Wala pa naman daw impormasyon kung paano naging "epidemiologically linked" sa mga naunang kaso ang Cases 11 hanggang 20.
Nakuha raw ng DOH ang mga panibagong kaso bago magtanghalian at kasalukuyang nagsasagawa ng contact tracing sa mga panibagong kaso.
Nakatakdang magpulong ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-IED) mamaya upang bawiin ang naunang resolusyon pagdating sa alert level na ipinatutupad.
Kasalukuyang nasa Code Red Sub-Level 1 ang alert level kaugnay ng sakit, habang kadedeklara lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ng "state of public health emergency" sa buong bansa.
"Yung biglang pagdami ng kaso ay dahil sa maigting na surveillance na ginagawa natin ngayon," dagdag pa ni Vergeire.
Kung titignan daw, may kasaysayan ng pagbiyahe sa ibaypong dagat ang ilang bagong kaso.
Gayunpaman, kumpirmado na rin ang "localized transmission" ng sakit, o paghahawaan ng mga tao sa loob mismo ng bansa, gaya ng ikalimang kaso.
Breakdown ng pinakabagong kaso
Sa inilabas na summary ng gobyerno, idinitalye ng DOH ang edad, kasarian, nationality at iba pang impormasyon patungkol sa mga kasong kinumpirma kagabi at kanina.
Ibinigay din ng tala ng mga sintomas na nag-manifest sa 14 kaso at kung kailan ito lumabas.
- Latest