Pasok sa trabaho, eskwela tuloy - Palasyo
MANILA, Philippines — Sa kabila ng banta ng COVID-19, hindi pa rin magsususpinde si Pangulong Rodrigo Duterte ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno maging ng klase sa mga eskwelahan.
Ito’y kahit aprubado na ni Pangulong Duterte ang State of Public Health Emergency at nasa Code Red na ang bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi naman crowded o matataong lugar ang mga tanggapan ng pamahalaan.
Nakasalalay na rin aniya sa lokal na pamahalaan ang pagdedesisyon kung magsususpinde ng klase kung sa tingin nila ay mayroong pangangailangan.
Wala rin umanong balak si Pangulong Duterte na limitahan ang public engagement nito dahil marami pang nakahanay na schedule na aktibidad ang Presidente at wala pa namang kinakansela.
Wala rin umanong plano ang Palasyo na magpatupad ng lockdown sa buong Malacañang complex.
Una rito, nagsuspinde ng klase ang Navotas City, at mga bayan ng Cainta at Taytay sa Rizal, ngayong Lunes at Martes, matapos na kumpirmahin ng DOH na anim na ang naitatala nilang confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas.
Nagsuspinde na rin ng pasok sa lahat ng level ang San Juan at Marikina.
Nanawagan din sina Sens. Joel Villanueva at Risa Hontiveros sa mga employers na payagan ang kanilang mga empleyado na magtrabaho sa kanilang mga bahay o i-adopt ang telecommuting o work from home arrangements sa kanilang mga kumpanya para makatulong na huwag ng kumalat pa ang COVID.
- Latest