MANILA, Philippines — Umapela si Senior Citizen Partylist Rep. Francisco Datol sa Kamara na madaliin na ang pagpapataw ng parusa sa mga opisyal ng nagsarang Banco Filipino.
Batay sa House Resolution No. 609 at 610, hinihiling ni Datol, kasama sina Kabayan Party-list Rep. Ron Salo, Patrol Party-list Rep. Jorge Bustos, Eric Pineda at Virgilio Bustos na magtalaga ng komite na magsisiyasat sa reklamo ng mga depositor laban sa mga opisyal ng Banco Filipino and Mortgage Bank Inc. sa pamumuno ni Bobby Aguirre.
Una nang nagmungkahi si Salo na mapanagot sila Aguirre dahil sa kaduda-dudang paggastos ng malaking pera ng mga depositors ng Banco Filipino.
Matatandaang nagsampa sa Department of Justice Task Force on Financial Fraud ng kasong criminal ang Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) laban kay Aguirre at ibang opisyal ng Banco Filipino dahil sa kuwestiyonableng pagbabayad ng hindi bababa sa P700-M sa mga “legal firms” nang walang kontrata o supporting documents noong panahon na nalulugi ang nasabing bangko.
Nasa 62 branches ang Banco Filipino nang matake-over ito ng PDIC at dito nadiskubre na nagbayad ang bangko ng P255.9 milyon sa isa pang law firm kung saan partner ang isa sa mga director ng nasabing bangko.
Dati na ring nakasuhan ng syndicated estafa ng PDIC sina dating BF vice chair Aguirre, dating chair at president Teodoro Arcenas at 31 iba pa dahil sa paggastos ng P669.6 milyong pera ng mga depositor para sa mga biyahe nila abroad.