State of Public Health Emergency idedeklara
MANILA, Philippines — Nakatakdang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang State of Public Health Emergency kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) ng unang kaso ng local transmission ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ito’y matapos umanong irekomenda ito ni Sen. Bong Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography at naayon na rin umano sa rekomendasyon ng DOH.
Ayon sa senador, kanyang inirekomenda sa Pangulo na magdeklara na ng State of Public Emergency para maging one step ahead at pro-active ang gobyerno at hindi na kumalat pa ang nasabing virus at maisama lahat ng national at local government agencies dito.
Sa pamamagitan umano ng deklarasyon ay mapapabilis ang access sa pondo para makatugon sa nasabing problema partikular na ang LGUs at mapakilos ang local disaster risk reduction management funds.
Kapag nakapagdeklara na rin umano ang Presidente ay magbibigay daan ito para mapabilis ang procurement process, mandatory reporting, mandatory quarantine at travel restrictions.
Ayon pa kay Go, magiging basehan din umano ito para sa posibleng price freeze sa ilalim ng Republic Act 7581 o ang Price Act.
Bukod dito, inirekomenda rin umano ng senador kay Pangulong Duterte ang pagbuo ng crisis committee sa pamamagitan ng pagpapalawak sa membership ng Inter-Agency Task Force (IAFT) kabilang ang LGUs upang mas epektibong malabanan ang pagkalat ng nasabing virus.
Magpapatawag ng meeting ang Pangulo sa mga health officials at iba pang ahensiya ng gobyerno kabilang ang mga miyembro ng IAFT sa lalong madaling panahon.
- Latest