MANILA, Philippines — Tinatayang 500 Pinoy crew ang kabilang sa libu-libong stranded sa isang cruise ship sa California dahil sa hinihinalang kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay Marlon Roño, presidente at chief executive officer ng Magsaysay People Resources Corp., patuloy pa rin ang ginagawang pagsusuri sa mga hinihinalang nagtataglay ng nasabing sakit.
Siniguro naman nito sa pamilya ng Pinoy crew na ligtas sila habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri.
Ipinagpaliban muna ng mga opisyal ng Amerika ang pagbalik ng Grand Princess sa San Francisco noong Miyerkules ng gabi mula Hawaii para suriin muna ang mga sakay nito sa posibleng coronavirus.
Ayon sa operator ng Princess cruise, isang 71 year old na lalaki ang nasawi dahil sa nasabing sakit at kauna-unahang kaso sa California.
Posible namang 11 pasahero at 10 crew members ang posibleng infected ng nasabing virus, ayon kay California Governor Gavin Newsom.
Ang Grand Princess ay pag-aari ng Princess Cruises, na kumpanyang nag-ooperate ng barko na stranded din sa Japan noong Pebrero kung saan mahigit sa 700 katao na sakay nito ang nagpositibo sa nasabing virus.